178 total views
Sisimulan ng Department of Environment and Natural resources ang pagpapanumbalik ng kalinisan ng Lake Lanao sa Mindanao.
Ito ay matapos pirmahan ni DENR Secretary Gina Lopez ang kasunduan sa ilalim ng Integrated Natural Resources and Environmental Management Project (INREMP), na muling bubuhayin at panunumbalikin ang kalinisan sa lawa ng Lanao upang muli itong mapakinabangan ng mga residente.
Umaasa si Secretary Lopez na ang pagsasaayos sa Watershed ay mag-aangat sa kalagayan ng mamamayan ng Lanao del Sur lalo na’t ayon sa Philippine Statistics Authority ay ito ang pinaka mahirap na probinsya sa Mindanao.
“I have no doubt in my mind that we will make a difference in Mindanao, and we’re gonna start in a big way here in Lanao Del Sur,” bahagi ng pahayag ni Lopez matapos lagdaan ang INREMP.
Tinatayang may 30 munisipalidad at 800 mga barangay sa Lanao Del Sur ang makikinabang sa restoration project ng DENR sa Lake Lanao Watershed.
Ang lake Lanao ay may tinatayang lawak na 32,000 hektarya, pangalawa sa Laguna de bay na pinaka malaking lawa sa Pilipinas.
Samantala bukod sa lawa ng Lanao, kabilang rin sa INREMP restoration project ang Upper Bukidnon River Basin, Upper Chico River Basin ng Cordillera Administrative Region at Upper Wahig-Inabanga River Basin sa Bohol.
Ang pondo naman na nakalaan para sa naturang proyekto ay aabot sa 154.12 milyong dolyar.