439 total views
Umaasa ang punong pastol ng Archdiocese of Manila na pahalagahan ng mananampalataya ang pagdarasal ng santo rosaryo.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa gaganaping One Million Children Praying the Rosary ng Pontifical Foundaton – Aid to the Church in Need (ACN).
Sinabi ni Cardinal Advincula na magandang regalo sa Mahal na Ina ang inisyatibo ng ACN lalo’t pagbuklurin sa panalangin ng santo rosaryo ang mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.
“Malugod kong binabati ang lahat ng mga lalahok sa One Million Children Praying the Rosary. Kay halagang regalo sa atin ng ating Mahal na Ina ang santo rosaryo … Maunawaan nawa natin ang mas malalim na kabuluhan nito,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Batid ng arsobispo na sa pamamagitan ng santo rosaryo ay tinuruan ng Mahal na Birhen ang sangkatauhan na maging matiyaga at tapat sa buhay pananalangin.
Nilinaw ng cardinal na bagamat nai-uugnay kay Maria ang pagrorosaryo ito naman ang paraan ng Mahal na Ina na ituon ang tao kay Hesus na nagligtas sa sanlibutan.
Una nang umapela si Pope Francis sa makikilahok sa One Million Children Praying the Rosary na ipanalangin ang natatanging intensyon na mawakasan ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine na nakapipinsala hindi lamang sa mamamayan kundi sa pandaigdigang ekonomiya.
Iginiit din ni Cardinal Advincula na sa santo rosaryo ay maaring idulog ang kahilingan ng kapwa, ng lipunan at simbahan sapagkat ito ay nakatutulong na mapalapit ang tao sa Diyos.
“Kahit kailan at saan ay maaari tayong magdasal ng rosaryo; ang araw-araw na pagsambit nito ay humuhulma sa ating puso para sa Diyos at kapwa … Nawa’y hindi lamang ito maging laman ng ating bulsa o bag, o nakasabit sa ating leeg at sasakyan,” giit ni Cardinal Advincula.
Gaganapin online sa October 18 ang One Million Children Praying the Rosary sa pangunguna ng ACN Phlippines katuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mapapanuod sa page ng ACN – Aid to the Church in Need, TV Maria at iba pang social media pages ng mga simbahan.
Inaanyayahan ng ACN ang mga estudyante, paaralan, institusyon at maging ang mga pamilya na makiisa sa pagdarasal ng santo rosaryo sa natatanging intensyon na mawakasan ang karahasan, pandemya at paghilom ng sanlibutan.