721 total views
Pinaalalahanan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na ang pagiging kristiyano ay nakabatay kay Kristo Hesus.
Ito ang sentro ng pagninilay ng obispo sa ginanap na Chrism Mass sa Manila Cathedral nitong Miyerkules Santo.
Paliwanag ni Bishop Pabillo na ang Chrism Mass ay nagpapaalala sa bawat isa na lahat ng binyagang kristiyano ay itinalagang misyonero.
“Ang ating chrism mass ay nagpapaalaala sa atin sa kahulugan ng ating pagiging mga anointed; We too are anointed to bring good news to the poor,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Sa isinagawang chrism mass ay binasbasan ng obispo ang banal na langis na ginagamit para sa mga maysakit at ang langis ng krisma na ginagamit sa pagbibinyag at pagkukumpil.
Paalala pa ni Bishop Pabillo na ang pagpapahid ng langis ay tanda ng pagtatalaga at pakikibahagi sa misyon ni Hesus.
“Ang pagtatalaga na ito ay ginagawa sa mga hari, mga pari at mga propeta. Ang ating paniniwala ay si Jesus ang hari, pari, at propeta na itinalaga ng Diyos. Hindi lang si Jesus ang nilangisan; tayo rin ay nilangisan. Nakiisa din tayo sa mga gawain ni Jesus bilang mga pari, hari at propeta. Itinalaga din tayo ng Diyos,” ani ng obispo.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na ang lahat ng binyagan ay may tungkuling ihatid ang mabuting balita ng Panginoon sa higit nangangailangan upang mas mapalawak pa ito alinsunod sa tema ng ‘Year of Missio Ad gentes’ na ‘gifted to give.’
“We are gifted with the faith in order to give the faith. Kaya bilang mga binyagan tayo ay nagsasalita at naninindigan para sa katotohanan at para sa mga aral ng Diyos. Nakikiisa tayong lahat sa pagpapalawak ng mga aral ni Jesus,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Hamon ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis sa mananamapalataya na maging masigla at matapang sa pagiging kristiyano na handang ipalaganap ang mga aral ng Panginoon sa lipunan sa kabila ng mga hamong kakaharapin.