550 total views
Mga Kapanalig, pumutok noong nakaraang linggo ang balitang binawi ng Securities and Exchange Commission (o SEC) ang lisensya ng online media website na Rappler dahil nilabag daw nito ang probisyon sa ating Saligang Batas na nagbabawal sa mga dayuhang magmay-ari ng media sa Pilipinas. Paliwanag ng Rappler, mga Pilipino ang may-ari ng kompanya, at namumuhunan o “investors” lamang ang mga dayuhan, bagay na pinahihintulutan ng batas at ginagawa rin ng malalaking media organizations sa bansa. Umalma rin ang Rappler sa kawalan ng due process dahil hindi sila binigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag. Ang pinakamalinaw, sabi ng Rappler, lantarang pagbabanta ito sa kalayaan sa pamamahayag.
Kinundena ng ilang mamamahayag dito sa Pilipinas at sa ibang bansa ang ginawa ng SEC. Hindi lamang ito magdudulot ng tinatawag na “chilling effect” sa media, banta rin daw ito sa demokrasya, lalo na sa panahong malaki ang impluwensya ng “fake news” at propaganda sa paghubog ng opinyon ng mga mamamayan. Inihalintulad din nila ang ginawang ito ng SEC sa nangyari noong panahon ng batas militar sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos. Isa-isang ipinasara noon ni Marcos ang mga media companies upang kontrolin ang pagpuna sa kanyang administrasyon, at manatili sa kaniyang kamay ang monopolyo ng pagsasabi kung ano ang “totoo” at “tama.”
Samantala, mukhang pabor si Pangulong Duterte sa ginawa ng SEC. Inakusahan pa nga niya ang Rappler na nagpapakalat ng “fake news”, gaya ng balita tungkol sa panghihimasok umano ng kanyang matapat na special assistant na si Bong Go sa pagpili ng combat management systems ng Philippine Navy. Banat ng pangulo sa mga kumikuwestyon sa ginawa ng SEC: bakit maaaring maging kritikal ang media sa kanyang administrasyon, samantalang bawal kung siya mismo ang pumuna sa mga mamamahayag? Nalimutan yata ng pangulong papel ng media na iulat ang sinasabing “closest version of truth” o pinakamalapit na bersyon ng katotohanan, at bahagi nito ang pagkalap ng datos at impormasyon mula sa iba’t iba ngunit mapagkakatiwalaang sources, kabilang ang mga kritiko ng mga nasa kapangyarihan. Inilalantad ng media ang lahat ng maaaring makapagbigay-linaw sa mga isyu, hindi upang maggawad ng katarungan—tungkulin po iyan ng pamahalaan—kundi upang malaman ng mga mamamayan ang katotohanan. At sa totoo lang, hindi ba’t mas “makapangyarihan” ang pamahalaan kaysa sa media dahil sa lawak ng tungkulin nito at sa pananalapi o resources na hawak nito? Kaya’t bakit kaya kumukulo ang dugo ng administrasyon sa organisasyong katulad ng Rappler?
Hindi ito ang unang pagkakataong inilagay sa alanganin ang kalayaan sa pamamahayag sa ating bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Lingid sa kaalaman ng marami, hindi rin ni-renew ng Kongreso ang 25-taóng prangkisa ng broadcast radio operations ng CBCP. Apektado rito ang maraming miyembro ng Catholic Media Network (o CMN) na nagbo-broadcast sa mga lalawigan at sa maraming pagkakataon ay malaki ang naitutulong sa panahon ng mga sakuna. Sinasabing ang pagpuna ng Simbahang Katolika sa mga pagpatay kaugnay ng kampanya kontra droga ng pamahalaan ang nasa likod ng hindi pag-aksyon ng Kongreso sa aplikasyon ng CBCP.
Mga Kapanalig, ang katotohanan ang unang biktima sa ginagawang panggigipit sa media ng kasalukuyang administrasyon. At kung binabaluktot at itinatago ang katotohanan, nalalabag din ang ating dignidad. Para kasi sa ating Santa Iglesia, bahagi ng pagtataguyod ng ating dignidad ang pagtiyak na alam natin ang katotohanan. Sa Pacem in Terris, sinabi pa ni Saint John XXIII na may karapatan tayo sa malayang paghanap sa katotohanan, at kasama rito ang kalayaang magpahayag at maglathala (o freedom of speech and publication). Malaki ang papel ng malayang media sa pagsusulong ng mga karapatan nating ito.
Kaya hindi tayo dapat magsawalang-kibo kapag pinatatahimik ang mga naghahanap at naglalantad ng katotohanan. Inaatake ang ating dignidad at mga karapatan sa tuwing inaatake ang katotohanan at ang mga naglalabas nito.
Sumainyo ang katotohanan.