19,612 total views
Matapos na masabat ng Bureau of Customs (BoC), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang 155 milyong pisong kontrabandong produktong pang-agrikultura, nanawagan ang isang grupo ng konsyumer kay Senador Lito Lapid na “pagtuunan ang tunay na problema ng mga konsyumer” sa halip na unahin ang interes ng mga dayuhan sa industriya ng tabako at ng lokal na “cigarette lobby,”.
Iginiit ng consumer group na Malayang Konsyumer (MK) na ang panukalang amyenda ng mambabatas sa Agri Smuggling Law at pagsama sa mga produkto ng tabako ay “anti-Filipino, walang tunay na benepisyo sa ekonomiya, at nakasasama sa kalusugan ng milyun-milyong mga Pilipino.
Ang panukalang Senate Bill (SB) 1812 ni Lapid ay naglalayong amyendahan ang Republic Act 10845 o ang Anti Agricultural Smuggling Act of 2016 upang isama ang tabako at ibang mga produktong tabako sa parehong kategorya ng bigas, asukal, gulay, at mahahalagang bilihin na may kaukulang proteksyon sa batas laban sa smuggling.
Ayon sa panukalang batas ni Lapid isinasama ang tabako sa listahan dahil sa nawawalang kita sa buwis dahil sa pagpupuslit ng sigarilyo. “Kwestyunable ang timing ng panukalang batas ni Senador Lapid. Habang ang mga smuggler at kartel ay nagpupuslit at nagtatago ng tone-toneladang produktong agrikultura, tila mas nakatuon ang mabuting senador sa pagtulong sa mga dayuhang kompanya ng tabako na nagsusulong ng proteksyon ng sigarilyo simula noong third quarter pa ng 2022,” ayon kay Atty. Simoun Salinas, tagapagsalita ng Malayang Konsyumer (MK).
Sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng BOC,PNP at PCG, libu-libong tonelada ng mga produktong pansakahan ang nasabat mula sa 24 na bodega, na kinabibilangan ng 40 hanggang 50 toneladang imported na sibuyas at bawang na nagkakahalaga ng 40 milyong piso, at halos 250 toneladang imported na sibuyas at bawang na nagkakahalaga ng 95 milyong piso.
Iginiit ni Salinas na kailangan tugunan ang mga kasong tulad nito kaya nananawagan ang grupo kay Sen. Lapid na tahakin ang direksyong mas pro-Filipino at pangalagaan ang mga Pilipinong magsasaka at konsyumer.”
“Dapat niyang ipaglaban ang pagpapanatili sa mga mahahalagang bilihin at produktong pansakahan bilang pangunahing layunin ng Smuggling Law, pati na rin ang mas mabibigat na parusa para sa mga smuggler at kartel. Dapat wala sa listahan ang tabako. Pabayaan natin ang mga dayuhang kumpanya ng tabako sa kanilang sariling laban, hindi dapat payagan na gamitin ang mga seryosong problema tulad ng agri smuggling upang itulak ang kanilang agenda,” pagtitiyak ng abogado.
Ipinaliwanag din ng grupo na halos hindi lumalago ang lokal na produksyon ng tabako sa bansa.
Ang bulto ng konsumo ay naka-asa sa inangkat na sigarilyong gawa ng ng mga dayuhang kumpanya.
Ayon naman kay MK convenor Christian Real, “Ang mga amyendang pinapanukala ng SB 1812 ay walang direktang pakinabang sa mga lokal na magsasaka ng tabako. Ang totoong pinoprotektahan ng panukalang batas ni Lapid ay ang mga imported na sigarilyo, hindi ang lokal na tabako. “
Nanawagan din si Real sa mga mambabatas na pagtuunan ng sapat na atensyon ang pagkain, hindi ang mga produktong bisyo at nakakasama sa kalusugan.”
Talaga bang gusto nating bigyan ng espesyal na proteksyon ang tabako at mga produktong tabako? Huwag na muna tayo sa mga naninigarilyo. Mas maraming problema ang mga konsyumer. Pagkain, hindi sigarilyo. Ang panukalang batas ni Lapid ay nagbibigay ng napakasamang mensahe sa polisiya at lubos na isinasantabi ang mga pagsisikap na protektahan ang ating mga mamamayan lalo na ang mga kabataan mula sa panganib ng paninigarilyo at pagkonsumo ng tabako.