488 total views
Binuksan ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission o LASAC ang kanilang Malasakit para sa Batangas Command Center matapos isinailalim sa alert level 3 o increase unrest ang Bulkang Taal sa Batangas nang magtala ng phreatomagmatic activity.
Ayon kay Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) Director Father Jason Siapco,tutukan ng LASAC command center ang pangangailangan ng mga residente malapit sa bulkang Taal.
Inihayag ni Father Siapco na pinalikas na ang mga residenteng naninirahan sa loob ng 5-kilometer radius mula sa Taal Volcano partikular na sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo dahil sa posibleng paglala ng kalagayan ng bulkan.
“Definitely we will be doing our response dahil may mga affected population na and at the same time, nagmo-monitor na kami ngayon,” pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban sa mga pagkain at tubig, nanawagan ang komisyon ng N95 mask donations na ipapamahagi sa mga residente sa apektadong lugar bilang proteksyon laban sa inilalabas na abo at asupre mula sa Bulkang Taal.
Ipinaalala naman ni Fr. Siapco sa mga taga-Batangas at Tagaytay city ang patuloy na pananalangin upang gabayan ng Panginoon ang bawat isa lalo na ang mga higit na apektado na maligtas sa anumang panganib.
Hinimok ng Pari ang mga residente na maging alerto at mag-ingat.
“Para sa mga nasa palibot ng bulkan, mag-ingat, maging alerto; para dun sa may mga communities at sa aming mga social action ministers, kailangang makipag-coordinate sa amin; at para naman sa mga tao ay ‘di patuloy na magdasal, at makipagkawanggawa,” ayon kay Fr. Siapco.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang alert level 3 ay nangangahulugang ang magma ay malapit na sa itaas na bahagi ng bulkan kaya’t asahang ang mga magiging aktibidad nito ay maaaring magdulot ng mas mapanganib na pagsabog.
Hinihikayat naman ng ahensya na magsilikas na ang mga residenteng nasa Taal Volcano Island at ilang mga barangay upang maiwasa ang panganib na maaaring idulot ng pagliligalig ng bulkan.
July 23, 2021 nang ibaba sa Alert Level 2 o increasing unrest ang Bulkang Taal mula sa Alert Level 3.
Habang January 12, 2020 naman nang ilagay ang bulkan sa Alert Level 4 o intense unrest matapos makapagtala ng pagyanig at maglabas ng makapal na usok at abo na umabot hanggang Metro Manila.