507 total views
Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert status ng Taal Volcano mula Alert Level 2 sa Alert Level 1 nitong Lunes dahil sa patuloy na pagbaba ng aktibidad.
Patuloy naman ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission sa pagbabantay at paghahanda kasabay ng patuloy na pagbuti ng kalagayan ng bulkang Taal.
Ayon kay LASAC Director Father Jayson Siapco, binabalak ng komisyon na magsagawa ng mga pagsasanay sa pagtugon sa mga sakuna bilang paghahanda hindi lamang sa kalagayan ng Taal Volcano kundi maging sa iba pang sakuna.
“We have actually made available our Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Manual approved by the board. Given the downgraded alert level, now is the perfect time to cascade and conduct DRRM training across all levels with the help of the parishes, academe and local government units,” ayon kay Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Siapco na patuloy din ang pangangalap ng tulong at donasyon ng LASAC, gayundin ang pagsubaybay sa mga proyekto para sa mga nakaligtas na biktima ng pagliligalig ng bulkang Taal.
Kabilang sa mga programa ng LASAC ay ang pagpapatayo ng mga bagong tahanan para sa mga nagsilikas na residente mula sa Taal Volcano Island matapos itong gawing Permanent Danger Zone.
“LASAC and Archdiocese [of Lipa] continues to be ready in any eventual eruptions that may happen…Hindi pa kami tapos at hindi pa tumitigil. May mga rehabilitation plans pa for implementation sa mga relocated survivors,” ayon sa pari.
Magugunitang itinaas sa Alert Level 2 ang Taal Volcano noong Marso 26, 2022 kasunod ng naganap na phreatic eruption.
Nauna rito ay itinaas sa alert level 4 ang bulkan noong Enero 12, 2020 matapos din ang phreatic eruption na nagdulot ng ashfall na umabot hanggang Metro Manila at Bulacan.
Babala naman ng Phivolcs sa publiko na patuloy pa ring maging maingat bagamat nasa alert level 1 status na ang bulkan, dahil posible pa ring maganap ang biglaang pagsabog nito anumang oras.