329 total views
Nakataas pa rin sa blue alert status ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) kaugnay sa patuloy na pagliligalig ng Bulkang Taal sa Batangas.
Ayon kay LASAC Director Fr. Jayson Siapco, isa sa mga kapansin-pansin sa aktibidad sa bulkan nitong nakalipas na linggo ay nakitaan ito ng mga pumice o lumulutang na mga bato mula sa bulkan sa ibabaw ng lawa.
Ipinaliwanag ni Fr. Siapco na maaaring nabuo ang mga pumice dahil sa volcanic eruption na naganap noong unang araw ng Hulyo o posible ring nagmula sa underwater eruption.
“Dalawa po ang teorya na pinag-uusapan tungkol dito. Maaaring una, ito ay galing talaga sa volcanic eruption noong July 1, dahil umulan naanod papuntang lawa. Pero ang isa pong theory na pinag-uusapan ay maaaring nagkaroon ng underwater eruption. Kaya mayroong mga lumulutang na… hindi lang po maliliit na bato, mayroon pong mga malalaking bato,” ayon sa pahayag ni Fr. Siapco.
Samantala, patuloy rin ang panawagan ng LASAC sa mga nais magpaabot ng donasyon at tulong para sa mga residente at pamilyang nasa mga evacuation centers.
Higit na kailangan ng mga evacuees ang N95 facemasks; hygiene kits, partikular na ang sabon at alcohol; washable mattress, kumot, at towels; solar lamps; mga gamot para sa ubo at sipon; at mga masusustansiyang pagkain.
Ito’y dahil ayon kay Fr. Siapco, nais nilang matiyak na ligtas ang mga evacuees sa evacuation centers laban sa banta ng panganib dulot ng aktibidad ng bulkan, gayundin sa iba’t ibang mga karamdaman.
“Tatlo po ang binabantayan natin sa evacuation centers. Sila’y pinag-iingat, una, sa pagsabog ng Bulkang Taal, ikalawa’y sa COVID-19, at ikatlo ay sa Dengue,” pagbabahagi ni Fr. Siapco.
Batay sa huling ulat ng PHIVOLCS, nakataas pa rin sa alert level 3 status ang Bulkang Taal, kung saan naitala ang 10 volcanic earthquakes, kabilang na ang siyam na mga pagyanig na tumagal ng isa hanggang anim na minuto.
Naitala rin ngayon ang pinakamababang antas ng sulfur dioxide na ibinuga ng bulkan na umabot sa 2,441 tonelada kada araw, kumpara kahapon na umabot sa 5,466 tonelada kada araw ang ibinugang usok.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pamamalagi at paglaot sa lawa ng Taal patungo sa Taal Volcano Island at high-risk barangays sa Agoncillo at Laurel, Batangas.(nichael)