435 total views
Patuloy ngayong binabantayan ang sitwasyon ng Bulkang Taal matapos ang phreatomagmatic burst noong January 29.
Ayon kay Christopher Olave, Disaster Management In-charge ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC), tuloy-tuloy lamang ang paghahanda ng arkidiyosesis para sa mga posibleng maganap sakaling lumala ang sitwasyon ng Taal Volcano.
Kaakibat nito ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para mabantayan ang kalagayan ng Bulkang Taal, maging ang pagpapadala ng mga volunteer upang makapangalap ng impormasyon mula sa paligid.
“Continuous ang communication natin sa PHIVOLCS at pag-live monitoring ng ating CCTV na nakatutok sa bulkan. Tuloy-tuloy din po ang pangangalap ng impormasyon ng ating mga volunteers natin from the ground,” pahayag ni Olave sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag ni Olave na nakikipagtulungan din ang Arkidiyosesis ng Lipa sa lokal na pamahalaang panlalawigan ng Batangas batay na rin sa bilateral understanding na nilagdaan noong Agosto 2021.
Ito’y hinggil sa pagtugon sa pangangailangan ng mga maaapektuhang pamilya sakaling magkaroon ng anumang sakuna.
“The Archdiocese also has a partnership with the Provincial Government of Batangas if in case na kailanganin ng tulong tulad po ng pagkakaroon ng mga evacuation centers for the worst case scenario,” ayon kay Olave.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, nananatiling nasa alert level 2 ang Bulkang Taal habang naramdaman naman sa nakalipas na 24 na oras ang walong volcanic earthquakes at malakas na volcanic plume o pagsingaw na aabot sa 600 metro ang taas.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island lalo na sa Main Crater upang maiwasan ang anumang panganib mula sa aktibidad ng bulkan.