316 total views
Nakataas sa Red Warning ang buong lalawigan ng Batangas at Quezon bunsod ng pananalasa ng severe tropical storm Jolina at hanging Habagat na ramdam din ang epekto sa iba pang bahagi ng bansa partikular na sa malaking bahagi ng Luzon.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) assistant chief operating officer Rev. Mark Ian Abu, nakaantabay ngayon ang lahat para sa posibleng pag-landfall ng Bagyong Jolina sa lalawigan ng Batangas.
Hindi pa man ganap na nakakalapag sa lupa ang bagyo ay naitala na ang malaking pagbaha sa isang barangay sa Batangas City habang mayroon namang pagguho ng lupa sa bayan ng Tingloy.
Ayon kay Rev. Abu, sa kasalukuyan ay nasa 18 pamilya o 51 indibidwal na ang apektado at nagsilikas bunsod ng epekto ng bagyo.
Nakahanda naman ang LASAC sa posibleng pamamahagi ng tulong para sa mga higit na maaapektuhan ng bagyong Jolina.
“Dito sa amin sa LASAC ay kami po naman ay naka-ready ng ating mga posible na maibababangtulong… Mamayang hapon kami’y may balak na umikot para magmonitor din at may mga naka-stockpile naman tayong mga pang-ayuda at biglaang tulong natin sa ating mga kababayan kung sakaling sila’y mangangailangan,” pahayag ni Rev. Abu sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, ayon naman kay Diocese of Lucena Social Action Director Fr. Archie Jacela, hindi pa gaano ramdam ang epekto ng bagyong Jolina sa lungsod ng Lucena sa lalawigan ng Quezon.
Ngunit, may ilan nang nagsilikas na mga residente sa Barangay Gulang-gulang, Lucena City dahil sa pag-apaw ng ilog na naging sanhi ng pagbaha.
“Sa report po ng service committee ng mga parokya ay wala pa namang apektado. Maliban sa Brgy. Gulang-gulang, Lucena. May bumaha na area malapit kasi sa ilog. Nag-evacuate na diumano sa school iyong ilang residente,” mensahe ni Fr. Jacela sa Radio Veritas.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng bagyong Jolina malapit sa Rosario Batangas.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin sa 95 kilometro kada oras malapit sa sentro, pagbugso na aabot sa 130 km/h, at kumikilos pa-kanluran hilagang-kanlurang direksyon sa bilis na 15 km/h.