1,881 total views
Nakahanda na ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) sa posibleng pagtaas ng aktibidad ng Taal Volcano.
Ayon kay LASAC Program Officer Paulo Ferrer, kasalukuyang nasa Alert Level 1 status ang Bulkang Taal kaya’t patuloy itong binabantayan katuwang ang Philippines Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Pagbabahagi ni Ferrer na kapag itinaas sa Alert Level 2 ang bulkan ay agad na itataas sa Code Blue ang operasyon ng LASAC na nangangahulugang 50 porsyento ay ilalaan para sa pagtugon sa sakuna.
“Once Code Blue, 50% ng operation is concentrated for the Emergency Operations Center; replenishment of stockpiled food and non-food items; organizational measures such as EOC organizational chart will be followed.” ayon kay Ferrer sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi naman ni Ferrer na maliban sa mga namamahala sa palaisdaan ay wala nang ibang residenteng naninirahan sa Taal Volcano Island (TVI) magmula nang ipagbawal ng PHIVOLCS ang pagpasok at pamamalagi rito na bahagi ng Permanent Danger Zone.
“Wala nang nakatira sa TVI. Ang mga naka-stay na lamang na fish pen operators ang nandoon para maglagay ng pakain sa isda on a daily basis.” saad ni Ferrer.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, naitala ang volcanic tremor sa paligid ng bulkan na nagpapatuloy simula alas-6:35 ng Hunyo 2, 2023, gayundin ang 9,391 toneladang sulfur dioxide na nagdudulot ng volcanic smog o vog.
Pinaalalahanan naman ng LASAC ang mga residenteng nasa paligid ng bulkan na gumamit ng N95 facemask bilang proteksyon sa vog; uminom ng maraming tubig para maiwasan ang iritasyon sa lalamunan at manatili na lamang sa loob ng mga tahanan para malimitahan ang pagkakalantad sa vog.
Patuloy naman ang panawagan ng Archdiocese of Lipa na maging mas mapagmatyag at handa, gayundin ang pananalangin ng Oratio Imperata kaugnay sa mga aktibidad ng Bulkang Taal.