342 total views
Naghahanda na ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) sa posibleng epekto ng bagyong Dante sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Christopher Ocampo, Disaster Management In-charge ng LASAC, kanilang ginagawa ang information dissemination sa pamamagitan ng LASAC FB Page upang agad na mabigyan ng babala ang mga residente hinggil sa pagdating at maaaring maging epekto ng bagyong Dante.
Nakahanda na rin ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga maaapektuhang residente sakaling palikasin na ang mga ito.
“As of now, ready naman ang ating mga relief good if in case na magkaroon tayo ng relief operations… ‘Yung iba po nating staff ay pinatawag na natin sa ating mga social action coordinators sa mga parishes para po sa paghahanda nila,” pahayag ni Ocampo sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag naman ni Renbrandt Tangonan, Communications and Advocacy Officer ng LASAC na hindi pa ipinag-uutos ng lokal na pamahalaan ang paglikas sa mga residente bagamat nasa ilalim na ng signal no. 2 ang silangang bahagi ng Batangas.
Sinabi ni Tangonan na maroong nakahandang 2,000 family assistance package ang LASAC bilang pantulong sa mga maaapektuhang pamilya. “… Sa Eastern portion ng Batangas ay Signal No. 2. We were informed na as of the moment, wala pang mandatory evacuation ang LGU. On our end, may naka stockpile and preposition po tayong 2,000 family assistance package kung kakailanganin,” pahayag ni Tangonan.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 115 kilometro ng timog-silangang bahagi ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Ito’y may lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometers per hour mula sa sentro ng bagyo at may pagbugsong aabot sa 90 km/h sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Inaasahan namang magla-landfall at magdudulot ng malalakas na pag-uulan ang bagyong Dante sa Batangas mamayang alas-singko ng hapon.