342 total views
Patuloy ang panawagan ng Arkidiyosesis ng Lipa para sa mga lubhang apektadong residente ng pagliligalig ng Bulkang Taal.
Ayon kay Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) Director, Fr. Jayson Siapco, hindi kailangan ang sobra upang makatulong, bagkus, anumang uri ng pagmamalasakit ay malaki ang maidudulot na epekto sa mga higit na nangangailangan basta’t ito’y bukal sa kalooban.
“Hospitality is not giving so much. It is giving you can and what you have,” ayon kay Fr. Siapco.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Arkidiyosesis ang pagbubukas ng mga kinasasakupang Katolikong paaralan at simbahan upang maging pansamantalang evacuation centers.
Ito’y bunsod ng patuloy na pagdami ng bilang ng mga nagsisilikas kada araw, kung saan nagdudulot na ito ng pagsisiksikan at pahirapang pagpapatupad ng ilang COVID-19 health protocols sa evacuation centers.
Lubha ring ikinababahala ng simbahan ang kaligtasan dito ng mga babae at kabataan dahil sa ulat na magkahalo ang palikuran o comfort room ng babae at lalaki na karamiha’y mga menor de edad.
Dahil dito, hinihiling ang pagtatayo at paglalaan ng ‘safe spaces for women and for children’ upang higit na maging maayos at ligtas ang evacuation centers para sa kanila.
Samantala, naitala naman simula kaninang alas-dose ng madaling araw ang 26 na malalakas na paglindol sa Bulkang Taal kaugnay ng matitinding pag-usok at steaming sa Main Crater Lake, indikasyon na anumang oras ay muling puputok ang bulkan, katulad ng nangyari noong unang araw ng Hulyo.
Naitala rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 22,628 tonelada kada araw ng sulfur dioxide emission mula sa Bulkang Taal nitong Linggo, ang pinakamataas na antas kumpara sa mga ibinuga ng bulkan nitong nakaraang mga araw.