5,518 total views
Nanawagan ang Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) sa mga mananampalataya na makiisa sa Adopt-a-child Scholarship Project.
Ayon kay Paulo Ferrer – LASAC Program Officer, sa pamamagitan ng programa napapaaral ng buong school year ang mahihirap na benepisyaryong mag-aaral sa elementary at high school sa halagang 1,500-pesos.
“Ang Adopt-a-Child Scholarship Project ng LASAC ay isang programa na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral na nangangailangan sa elementarya at high school mula sa mga pampublikong paaralan, ang project na ito ay nagsimula noong 2016 bilang tugon ng Arsidiyosesis sa pangangailangan ng mga pamilyang hindi kayang tustusan ang edukasyon ng kanilang mga anak,” bahagi ng mensaheng ipinadala ni Ferrer sa Radio Veritas.
Inihayag ni Ferrer na sa tulong ng programa ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na mag-aaral na makapasok sa kanilang klase araw-araw at mabili ang mga pangangailangan.
Layunin din ng LASAC na maipatupad sa buong archdiocese of Lipa ang proyekto para mapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap.
“Sa loob ng walong taon, ang project ay naipatupad sa iba’t ibang mga parokya sa Arsidiyosesis, naghahanap ng mga sponsor ang LASAC para sa mga mag-aaral, nagbibigay ng tulong pinansyal sa edukasyon, at nagpapakilos ng iba’t ibang mga aktibidad para sa mga benepisyaryo, Ang layunin ng programa ay maipagpatuloy ito sa iba’t ibang parokya at mas mapalawak ang bilang ng mga batang nakakapagtapos ng pag-aaral, ang LASAC ay magtutuon sa pagpapalakas ng kakayahan at kaalaman ng mga mag-aaral habang ang partner parishes naman ay magbibigay ng tulong sa pagbili ng mga kagamitan sa paaralan,” ayon pa sa mensahe ni Ferrer na ipinadala sa Radio Veritas.
Noong School Year 2023-2024, umaabot na sa 722 ang mga mag-aaral sa elementary at high school ang naging bahagi ng Adop-a-Child Scholarship project.
Para sa mga nais makapagbahagi ng donasyon upang makiisa sa proyekto ng LASAC ay maaring bumisita sa kanilang official facebook page na LASAC – Lipa Archdiocesan Social Action Commission, Incorporated o tumawag sa mga numero bilang (043) 757 6182.