467 total views
Mga Kapanalig, “last line of defense” kung ituring ng grupong Alliance of Concerned Teachers (o ACT) Philippines ang pagsusuot ng face masks sa loob ng mga silid-aralan.
Hinihikayat ng ACT ang mga guro, estudyante, at iba pang manggagawa sa mga paaralan na magsuot pa rin ng face mask. Ito ay matapos ang full implementation sa pagsisimula ng Nobyembre ng full in-person classes sa mga pampublikong paaralan. Sinabi ng Department of Education (o DepEd) na maaari nang magpatupad ng optional masking ang mga paaralan alinsunod sa Executive Order No. 7 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Sa kautusang inilabas ng pangulo, hindi na tayo required na magsuot ng face masks.
Kung kayo ay magulang ng isang estudyante, kampante ba kayong hindi na pagsuotin ng face mask ang inyong anak? Gaano kayo kasiguradong ligtas ang inyong anak mula sa posibleng pagkakahawa sa COVID-19?
Sinasabing kailangan na tayong matutong mabuhay nang laging nariyan ang banta ng COVID. Live with the virus, sabi ng ilan. Imposible na raw na mawala ang COVID kaya’t mas mainam nang ituring ito bilang isa sa mga sakit na maaaring mahawa tayo. Mas mababa na raw ang mga kaso ng mga nagpopositibo sa karamdamang ito at kakaunti na rin daw ang mga namamatay. Mas kaya na raw ng mga ospital ngayon na tugunan ang pangangailangan ng mga nagkaka-COVID.
Magiging katanggap-tanggap marahil ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga paaralan kung alam nating sapat ang espasyo sa mga classrooms nang hindi magdikit-dikit at magkahawahan ng sakit ang mga bata. Ngunit hindi ito ang kaso sa ngayon lalo na sa mga pampublikong paaralan. Sa isang pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute for Development Studies (o PIDS) na inilabas nitong Marso ngayong taon, ang tinatawag na classroom-student ratio sa Metro Manila, CALABARZON, Davao Region, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay mas mataas sa target na isang silid-aralan sa bawat 40 estudyante.
Makakampante rin siguro tayo kung alam nating maayos ang mga pasilidad sa mga paaralan katulad ng mga palikuran, hugasán ng kamay, at suplay ng malinis na tubig. Pero ayon muli sa PIDS, kulang ang paggastos ng pamahalaan para sa tinatawag na water, sanitation, and hygiene o WASH facilities. Dagdag pa rito, mahigit sanlibong paaralan noong 2020 ang walang kuryente. Kaya paano ang bentilasyon sa mga silid-aralan na mahalaga upang hindi makulob ang mga bata sa kanilang classroom at makasagap ng virus?
Ito ang mga pasilidad na sana ay pinagtuunan ng pansin ng ating gobyerno sa nakalipas na mga taon upang matiyak ang ligtas na pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante. Kaya’t kung hindi nagawa ang mga ito, siguro ay dapat pa ring magsuot ng face mask ang ating mga anak. Malaking ginhawa sa mga magulang ang pagbabalik-paaralan ng mga bata, ngunit hindi ito dapat mapalitan ng pag-aalala sa kaligtasan ng mga estudyante.
Ang karapatang makapag-aral—isang karapatang kinikilala ng ating Santa Iglesia para sa ganap na paglago ng isang tao —ay nakompromiso dahil sa pandemya at sa kulang na pagtugon dito ng gobyerno. Ngunit sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante, dapat ding tiyakin ang kanilang kaligtasan lalo na’t hindi biro ang magkaroon ng malubhang kaso ng COVID-19. Sa bagay na ito, malaki ang papel na dapat gampanan ng pamahalaan.
Mga Kapanalig, ngayong tila nasa kamay na lang nating mga mamamayan ang pag-iwas sa sakit, wala sigurong mawawala kung patuloy tayong magsusuot ng face mask. Hindi lang ito para sa ating sarili, para din ito sa ating kapwa; wika nga sa Roma 14:7, hindi tayo nabubuhay para lamang sa ating mga sarili. Kaya’t hikayatin pa rin natin ang ating mga estudyanteng magsuot ng face mask nasaan man sila.