193 total views
Nagpahayag ng malaking pasasalamat ang mga environment groups sa pagsasapubliko ng ensiklikal para sa Kalikasan na Laudato Si ni Pope Francis, mag-iisang taon na ang nakalilipas.
Binigyang diin ni Gerry Arances, Convenor ng Center for Energy Ecology and Development ang makabuluhang ambag ng Laudato Si, sa pagtatangol ng kanilang grupo para sa kalikasan.
Pagbabahagi ni Arances, nagsilbing lakas ng loob ng bawat environmentalist ang suporta at hayagang pagtatanggol ni Pope Francis sa kalikasan.
“Personally, mula sa CEED, malaki ‘yung inambag ng Laudato Si, ‘yung boses ng simbahan ay talaga namang dumagundong sa buong daigdig, sa loob ng bansa at naging signipikanteng ambag para sa kung ano man ang inaabot natin ngayon pagdating sa usapin ng mga sinusulong nating agenda sa environment.” Pahayag ni Arances sa Radyo Veritas.
Dahil dito, umaasa si Arances na patuloy na magsisilbing malakas na suporta ang dokumentong tumatalakay sa mga suliraning pang kalikasan upang patuloy na maabot ng bansa ang pagbabagong inaasam nito at mapanumbalik ang balanse ng kalikasan.
“Itong isang taon na ito ng Laudato Si ay dapat maging tungtungan para sa lubos pa na pagsusulong nung mga agenda natin at lubos na kaganapan na pagface out ng coal, pagface out ng large scale mining sa bansa, ‘pag prioritize ng biodiversity, ‘pag prioritize ng human rights, ‘pag prioritize ng sustainable development, ‘pag prioritize ng sustainable agriculture, lahat ito ay kabahagi nung ine-embody ng Laudato Si, kaya kami ay kabahagi nung celebration na ‘yun at pakikiisa rin sa simbahan na kabahagi ng mas malawak na environmental movement sa bansa.” Dagdag pa ni Arances.
Ang Laudato Si ang ikalawang encyclical na inilabas ni Pope Francis, kasunod ng Lumen Fidei.
Magugunitang noong ika-24 ng Mayo, 2015, nilagdaan ng ni Pope Francis ang encyclical na Laudato si, at naisapubliko ito noong ika 18 ng hunyo 2015.
Una itong nailathala sa mga wikang Italian, German, English, Spanish, French, Polish, Portuguese at Arabic.
Samantala sa kasalukuyan, naisalin na rin sa Filipino ang aklat na Laudato Si.