258 total views
Nagpaabot ng pasasalamat ang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa unang anibersaryo ng pagsasapubliko ng ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, nasaksihan nito ang malawak na impluwensyang ibinigay ng Laudato Si sa ilang lider ng mga bansa na nagpasyang gumawa ng mga programang mangangalaga sa kalikasan.
“We are very very thankful that Holy Father ay nagbigay s’ya ng message na Laudato Si, and we are also thankful to the government and nations who came together and discuss what to do in order to protect [the environment], at nakita ko [dito] ang contribution ng Laudato Si,”pahayag ni Bishop Medroso sa Radio Veritas
Hinimok naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang taumbayan na magbalik tanaw sa mga aral na ibinahagi ni Pope Francis sa Laudato Si na nararapat isaisip,isapuso at isabuhay.
Binigyang diin rin ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo ang malaking papel na ginampanan ng Laudato Si upang magkaroon ng boses ang simbahan sa usaping pang kalikasan.
“Ang maganda dito sa Laudato Si ay nabigyan ng religious motivation itong ating pag-iingat sa environment, kasi ang magandang motibo para talaga tayo kumilos, ay yung aspekto ng ating pananampalataya makita natin na ito’y ating obligasyon sa Diyos, at obligasyon natin sa buong kalikasan sa buong mundo.” Pagbabahagi ni Bp. Arigo
Binigyan diin naman ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na isa itong magandang pagkakataon, upang muling paalalahanan ang bawat isa tungkol sa kahalagahan ng pagprotekta sa kalikasan na iniregalo ng Panginoon sa tao.
Gayundin sinabi nitong, malaking hamon ang kahaharapin ng bawat tao at kinakailangan ng matibay na pagkakaisa upang makamit ang environmental justice.
“We are given the challenge to look on the environment, we have to protect it in terms of its integrity and in terms of its sustainability for future generation so para sakin this is one way to educate all generation, we welcome the gift of God that it is a gift for all and we have to work for environmental justice for everyone,” pahayag ni Abp. Ledesma.
Hinikayat naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mga mananampalataya sa unang anibersaryo ng Laudato Si na magsama-sama sa pagpapanumbalik ng magandang paraisong nilikha ng Panginoon.
“Lahat tayo, sama-samang ibalik ang magandang paraiso na nais ng Diyos na dapat tayong mga anak ng Diyos ang magpayaman ang mag-alaga, at ating lalong pagandahin, kaya tayo sa ating unang anibersaryo ng Laudato Si sana’y isang tinig tayong mananalangin at sisigaw na ipagtanggol nating sama-sama ang ating kapaligiran gawin natin ang daigdig na ito na umpisa na ng ating buhay na maligaya at masagana sa langit,” pagbabahagi ni Abp. Arguelles.
Sa Sabado ika-18 ng Hunyo, magsasagawa ng programa para sa anibersaryo ng Laudato Si ang Global Catholic Climate Movement o GCCM-Pilipinas na may temang “Laudato Si: Pasasalamat at Pagsasabuhay.”
Gaganapin ito sa University of Santo Tomas Medicine Auditorium simula alas Otso hanggang alas Onse ng tanghali, at lahat ay inaanyayahang dumalo sa pagtitipon.
Bukod sa Pilipinas, inaasahang kasabay ring magsasagawa ng programa para sa Laudato Si ang may 300 Catholic Organizations sa iba’t ibang bahagi ng mundo.