292 total views
Hinikayat ng isang environment group ang mga negosyante at mamumuhunan na huwag suportahan ang mga negosyong nakakasira sa kalikasan.
Ayon kay Bro. Armin Luistro, Pangulo ng De La Salle University (DLSU) at ng Philippine Business for Social Progress, isinusulong ngayon ng grupo ang kampanya na ‘Living Laudato Si Movement’ na hango sa ensiklikal ng Santo Papa Francisco.
“Kailangan natin sa ating pamumuhay baguhin ang lifestyle natin, pero mayroon tayong mas mahalagang gawin. Ito ay ang nagpopondo sa kalakal na ito kailangan tayong manawagan sa kanila dahil ito ay kasama sa business. Mahalagang makita natin maari nating baguhin na kumita ng pera na hindi makakasira sa kalikasan,” ayon kay Luistro sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Iginiit ni Luistro sa mga negosyante na ilagay ang pera sa mga programa na magbibigay ng proteksyon sa kalikasan.
“Mas malaki ang epekto sa ating kalikasan kapag hindi natin inilalagay ang ating pera sa tamang kalakal, ekonomiya.” pahayag ni Luistro
Kasama din sa panawagan ng grupo ang mga bangko na huwag aprubahan ang pangungutang ng mga kompanyang may kinalaman sa pagmimina, coal powered plant at iba pang negosyo na nakakasira sa kapaligiran.
“Huwag nating kalimutan ang karapatan ng ating kalikasan. Kaya tinawag nating itong ‘Living Laudato Si Movement’ dahil kinuha natin ang inspirasyon kay Pope Francis sinabi nya an gating kalikasan ay isa sa pinakamahirap ‘poorest of the poor, dahil sa haba ng panahon hindi na natin naisip na pinagnanakawan natin siya, inaabuso natin tayo mismo naghihirap dahil sa ating kagagawan,” ayon kay Luistro.
Hinikayat din ni Luistro ang simbahan at katolikong institusyon na alamin ang mga pinaglalagakang ‘investment’ kung ito ba ay naayon sa panawagan ni Pope Francis sa kaniyang ‘Laudato Si’.
Isinusulong ngayon ng grupo ang Living in Laudato Si bilang tugon sa panawagan na bawat isa kabilang na ang simbahan at mga institusyon dahil lahat ay may tungkulin sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, kinokondena nito ang kawalang katarungang ng mayayamang kumpanya ng minahan sa mahihirap na komunidad, dahil lalo lamang itong nagdadagdag ng pasakit sa mga mamamayan sa pagkasira ng kapaligiran na nagdudulot ng panganib maging sa mamamayan.