251 total views
Dumating na sa Pilipinas ang Laudato Si Pilgrim Image ni St. Francis at St. Claire of Asisi.
Tinanggap ni Father Angel Cortez, OFM, ang imahe na nakatakdang bumisita sa 18 mga bansa sa Latin America at sa Asya.
Layunin ng pilgrimage na ito na mapanumbalik at muling buhayin ang pananagutan ng tao sa kalikasan at mapataas ang kamalayan ng mga mananampalataya tungkol sa Encyclical Letter ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa kalikasan, na Laudato Si.
Naantig ang puso at kalooban ng mga relihiyoso at relihiyosang una nang nabisita ng pilgrim image ni St. Francis at St. Claire of Asisi, dahil sa biyayang dulot ng dalawang Santo.
Ang pilgrim image ay unang pagkakataong matutunghayan ngayon sa Pilipinas, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Asisi.
Pangungunahan ni East Asia Conference President at San Pedro Bautista Philippine Provincial, Friar Cielito Almazan, OFM, ang banal na misa, kasunod ang unveiling ng Pilgrim image sa St. Anthony Shrine, Sampaloc, Maynila, ika-4 ng Oktubre, alas sais ng gabi.
Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya kung saan dinala ang pilgrim image ni St. Francis at St. Claire of Asisi at nakatakda ring dalhin sa iba’t-ibang simbahan at komunidad sa bansa, bago dalhin sa iba pang bahagi ng Asya.