209 total views
Malaking hamon sa mga layko at mga opisyal ng simbahan ang paglaki ng bilang ng mga Filipinong sumasang-ayon sa pagkakaroon ng diborsyo sa bansa.
Gagamiting hamon at inspirasyon ng Marriage Encounter Foundation of the Philippines, Sangguniang Laiko ng Pilipinas at Light of Jesus Community ang Veritas Truth Survey kung saan nakakaraming mga Filipino ang pabor sa legalisasyon ng divorce sa Pilipinas.
Ayon kay Robert Aventajado, president ng Marriage Encounter Foundation of the Philippines (MEFP) pareho at magkasing halaga ang responsibilidad ng mga pari at mga layko para maghayag ng salita ng Diyos at pagpapaliwanag sa ating pananampalataya.
“Tayo ‘yung religious, pati layko. Tayong lahat dahil tayong lahat ay… Vatican II equal ang reponsibilidad natin sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ang kaparian at ang layko so tayong lahat ang meron nitong pagkukulang na matatawag,” ayon kay Aventajado.
Ipinaliwanag ni Aventajado na marahil ay nagkukulang pa ang Simbahan, mga religious at mga layko sa pagpapaliwanag sa mga mananamapalataya kung ano at kung gaano kasagrado ang sakramento ng kasal.
Hinimok ni Aventajado ang mga taga-Simbahan na pag-ibayuhin pa ang pagtuturo tungkol sa mga sakramento ng simbahan.
“We have to do better in explaining all these sa simbahan, siguro sa homiliya ng mga pari, pagtuturo ng catechism at sa mga layko sa atin,” paliwanag ni Aventajado.
Ang MEFP ay binubuo ng may 86 na community sa iba’t ibang bahagi ng bansa na may tinatayang 500,000 na mag-asawang miyembro.
Naninindigan naman si Bro.Bo Sanchez, founder ng Light of Jesus Community na tuluyang mawawalan ng saysay at kahulugan ang sakramento ng kasal at pagpapamilya kung magiging madali ang proseso ng paghihiwalay ng mag-asawa kung saan parang isang paninda lamang ang diborsyo na mabibili saan mang tindahan.
Paliwanag ni Sanchez, kung magiging madali na lamang ang paghihiwalay ng mag-asawa ay mawawalan na ng saysay ang pangakong kanilang binitawan sa harapan ng Diyos at sambayanan na pagsasama sa hirap at ginhawa.
Ayon kay Sanchez, kung pahihintulan ang paghihiwalay ng mag-asawa sa pamamagitan ng divorce ay mawawalan na rin ng dahilan ang mag-asawa na sikaping magkasundo at solusyunan ang kanilang mga problema sapagkat napakadali o napaka’convenient’ na lamang na sumuko at bumitaw sa kanilang mga pangako sa isa’t isa.
“Kapag nag-aaway yung marriage ang approach ganito we try all we can, hindi dapat madali yung pag-separate pag ginawa mong sobrang madali na parang bumibili ka lang sa grocery ng divorce kawawa eh yung commitment mo, the definition of marriage itself ang kahulugan ng marriage ay yung for better or for worse, for sickness or in health now biglang nawala yung definition na its now convenient nalang…” pahayag ni Bro. Sanchez sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi pa ni Sanchez patuloy na ipananalangin ng buong kumunidad ng Light of Jesus Community ang pagkakapukaw ng kamalayan ng mga Filipino na makita ang kahalagahan ng pamilya sa pagpapatatag ng lipunan dahil malaki ang negatibong epekto sa susunod pang henerasyon ng pagkakaroon ng mga magkahiwalay o sirang pamilya.
“Im very concerned and all of us here are praying na sana we will stand by the family and the efforts of trying to save sana makita ng bawat Filipino yung kahalagahan ng family and yung value sa ating lipunan kasi kapag mawala yung family, yung marriage sa lipunan kawawa yung bansa natin for the future generations nakikita na natin sa ibang bansa na kapag under attack yung family tapos nawawala yung marriage and then you’ve got the children and they’re growing up sa broken family talagang hirap na hirap yung personal growth nila and its really the foundation, yung foundation ng country yung family” Dagdag pa ni Bro. Bo Sanchez.
Umaasa si Sanchez na sa gitna ng mariing pagsusulong sa pagsasabatas ng Divorce ay mananaig sa bawat Filipino ang pagmamahal sa pamilya at pagsusulong sa kasagraduhan ng sakramento ng kasal.
Gagamitin naman ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na umbrella organizations ng mga Catholic lay organization ang VTS na inspirasyon sa pagpapalawak ng kamalayan at pagtuturo sa kabutihan at pagpapatatag sa pamilyang Pilipino.
Ayon kay Sangguniang Layko ng Pilipinas, President Marita Wasan, ang VTS ay hamon sa mga taga-Simbahan at mamamayan na lalong mapagbantay at tutulan ang pagsasabatas ng divorce na sisira sa matatag na pundasyon ng pamilyang Pilipino.
Sinabi ni Wasan na bagama’t wala pang divorce sa bansa ay may pamilya na ring naghihiwalay partikular na sa sektor ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Kaya’t mas higit na dapat pagtuunan ang pagpapatatag ng kasal at pamilya sa halip na pagsusulong ng divorce na magbubukas ng pagkakataon sa marami na tuluyan nang wakasan ang maari pa sanang maayos na pagsasama.
“Strengthen the family and marriage kaya hindi dapat may divorce. Kaya dapat walang divorce,” ayon kay Wasan.
Ayon pa kay Wasan nanatiling ang kahirapan ang ugat ng paghihiwalay ng maraming pamilya dahil sa migration o pagtatrabaho ng ina o ama sa ibang lugar.
Base sa tala may 11 milyon ang kabuuang OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo na ang karaniwang dahilan ay ang pagtataguyod sa pamilya dahil sa kawalan ng oportunidad sa ating bansa.
Sinabi ni Wasan na may isang pag-aaral na nagsasabi na kahirapan ay nakakaapekto sa mga mag-asawa tungo sa paghihiwalay.
At ayon sa isang pag-aaral noong 2014 ni Vicente Fabella ng Jose Rizal University, isa sa bawat 4 may asawang OFW ay naghihiwalay habang dalawa sa limang anak ng mga OFW ay hindi nakakapagtapos ng pag-aaral.
Maari ding maging dahilan ang impluwensya ng media kasama na dito ang social media at paggaya sa westernize culture.
Paliwanag ni Wasan base na rin sa resulta ng Veritas Truth Survey, malaking porsiyento ng mga pumabor sa diborsyo ay pawang nasa edad 13 hanggang 40 taon na kung susumahin ay may 77 percent na bahagi ng kabuuang 39 percent na pabor sa diborsyo.