2,544 total views
Tiniyak ng Department of Health na higit na tututukan ang pagsusulong ng mga programa hinggil sa nakahahawang sakit tulad ng Tuberculosis (TB).
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, mahalaga ang test, trace, and treat sa pagtugon sa TB upang hindi humantong sa mas malalang kalagayan.
Ang pahayag ni Herbosa ay kasabay ng paggunita sa National Lung Month ngayong Agosto, at National TB Day noong Agosto 19.
“Kapag infectious disease, active case finding which is testing, x-ray, at tsaka yung sputum analisys at then gene expert. Tapos treat, magamot sils. Matagal ‘yung gamutan six months, of course matapos nila ‘yun,” pahayag ni Herbosa.
Mahigpit na paalala ng kagawaran sa mga mayroong TB ang patuloy na gamutan na hindi bababa sa anim na buwan upang hindi maging drug resistant dahil maaaring tumagal ang gamutan hanggang 24-buwan o humantong sa pagkasawi.
Naipapasa ang TB kapag nalanghap ang mikrobyo mula sa hanging galing sa ubo o bahing ng taong mayroon nito, taliwas sa paniniwalang maaaring namamana o napapasa ang sakit sa pamamagitan ng mga gamit ng apektado ng karamdaman.
Samantala, tiniyak din ng Lung Center of the Philippines Chaplaincy ang pagsuporta sa mga programa at layunin ng DOH para mapabuti ang kalusugan ng mamamayan.
Nangako naman si LCP Chaplain Fr. Almar Roman, MI na patuloy na gagampanan ang tungkulin upang ipanalangin at gabayan ang mga pasyente, at muling matagpuan ang pag-asa sa kabila ng mga pagsubok.
“‘Yung ministry of presence and listening ay napakahalaga para sa mga pasyente at kanilang pamilya na nandito sa LCP. Ito ‘yung patuloy na ginagawa ng chaplanicy para mailapit at maipadama namin sa kanila ang presensya ng Panginoon,” pahayag ni Fr. Roman sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok din ni Fr. Roman ang publiko na huwag isantabi ang mga pasyente lalo na ang may TB, at sa halip ay ipadama ang pagmamalasakit at pagmamahal upang maibsan ang mga pasanin mula sa karamdaman.
Batay sa huling tala ng DOH, 70 Filipino ang naiuulat na nasasawi kada araw dahil sa TB.
Una nang nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care na higit na pagtuunan at ipadama ang pagmamahal sa mga may karamdaman.