2,741 total views
Dalangin ng Lung Center of the Philippines Chaplaincy na makamtan ng mga may sakit na Tuberculosis (TB) ang ganap na kagalingan at pagtanggap ng lipunan.
Ayon kay LCP Chaplain Fr. Almar Roman, MI, sapagkat sa matagal na panahon ay higit na nararanasan ng mga may TB ang pangilagan dahil sa nakahahawang epekto ng karamdaman.
Sinabi ni Fr. Roman na mahalagang madama ng mga pasyente na sila’y pinaglalaanan ng pansin at panahon nang sa gayo’y magkaroon ng pag-asa sa kabila ng pinagdaraanang pagsubok.
“Kung titingnan natin noong araw, hindi ganoong kadali kapag sinabing may TB. They also feel outcast in the society–nilalayuan nasasaktan din ‘yung damdamin at emosyon nila. Pero ngayon, tayo sa healthcare world at tsaka sa simbahan, niyayakap natin ang mga may karamdamang ito,” pahayag ni Fr. Roman sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng pari na ang pagmamalasakit ng tao sa mga may karamdaman ang nagbubunsod upang mas madiskubre ang mga paraan at lunas na makakatulong para sa kanilang agarang paggaling.
“Kaya nga siguro nag-e-evolve ‘yung medicine at sistema ng healthcare kasi may mga taong naglalaan ng oras, nag-aaruga, naglalaan ng pagkakataon upang pag-aralan ‘yung mga gamot. Tsaka ngayon, hindi na ganong nilalayuan ang mga may sakit na ganito kumpara noon na kapag may TB ka, i-isolate ka, parang ‘yung COVID pandemic na sistema. Ngayon kahit may TB ka, nagagamot na agad,” ayon kay Fr. Roman.
Samantala, iginiit naman ni LCP TB-DOTS Nurse Mark Anthony Habal na ang paraan upang malunasan ang Tuberculosis ay ang patuloy na gamutan.
Paliwanag ni Habal na ang TB ay maaaring magamot sa pamamagitan ng hindi bababa sa anim na buwang tuloy-tuloy na gamutan upang hindi humantong sa pagiging drug resistant dahil maaaring tumagal ang gamutan hanggang 24-buwan o humantong sa pagkasawi.
“Usually kasi, kapag nakaramdam na ng ginhawa, ang iniisip nila ay okay na sila. Imbes na six months silang naggagamot dahil akala nila okay na sila, tinitigil nila ‘yung gamot. Ang nangyayari, ‘yung mga bacteria na natira sa katawan, nagmu-mutate po ‘yun so nagde-develop sila ng resistance sa antibiotics,” ayon kay Habal.
Nilinaw ng medical worker na naipapasa ang TB kapag nalanghap ang mikrobyo mula sa hanging galing sa ubo o bahing ng taong mayroon nito, taliwas sa paniniwalang maaaring namamana o napapasa ang sakit sa pamamagitan ng mga gamit ng apektado ng karamdaman.
Paalala naman ni Habal sa publiko na sikaping magkaroon ng maayos na lifestyle upang maiwasan ang posibilidad na magkaroon ng mga malalang karamdaman tulad ng TB.
Tema ng World TB Day ngayong taon ang “Yes, We can end TB!”, na ginugunita tuwing ika-24 ng Marso bilang pag-aalala sa pagkakatuklas ni Dr. Robert Koch sa Mycobacterium tuberculosis na nakakaapekto sa baga, gayundin sa ibang bahagi ng katawan tulad ng buto, utak, bato, at atay.