728 total views
Mga Kapanalig, sa kabila ng mga isyung kinasasangkutan ng administrasyon—mula sa kabiguang pabagalin ang pagmahal ng mga bilihin hanggang sa pagtangging ipaliwanag kung saan planong gamitin ang malalaki nilang confidential funds—nananatiling mataas ang kumpiyansa ng mas maraming Pilipino sa ating presidente at bise-presidente. Kapansin-pansin sa mga naglalabasang survey ang mataas pa ring job performance rating ng dalawang pinakamataas na lider ng bayan. Anong say mo rito, Kapanalig?
Pero ito ang totoong mataas: ang learning poverty sa ating bansa.
Sa inilabas na report ng World Bank, nasa 91% ang learning poverty sa Pilipinas. Sa madaling salita, siyam sa bawat sampung Pilipino ang hiráp na basahin at unawain ang isang simpleng materyal pagsapit ng edad 10 o pagtungtong ng Grade 4 o Grade 5. Ang 91% na learning poverty natin ay malayung-malayo sa mayayamang bansa sa Asya. Sa Japan, South Korea, at Singapore, ang learning poverty ay nasa 3% hanggang 4% lang.
Maraming dahilan sa likod ng nakababahalang kalagayan ng pagkatuto sa ating bansa. Malaking factor ang kahirapan ng pamilya, ang kalusugan at nutrisyon ng mga bata, at ang kakulangan ng mga kagamitan para makapag-aral.
Ngunit isa sa matingkad na dahilang binanggit sa report ng World Bank ay ang poor teaching quality. Mababa raw ang kalidad ng pagtuturo sa ating mga mag-aaral. Isa ang ating mga guro sa mga may “most ineffective methods” sa Timog Silangang Asya. Bagamat may mga pagsasanay para sa kanila, bigo ang mga itong paunlarin at paghusayin ang tinatawag na mastery o kasanayan ng ating mga guro. Maituturing na epektibo ang paraan ng pagtuturo ng mga teacher kapag nagagawa nilang angkop sa pagkatuto ang kanilang klase. Kasama rin dito ang paglinang sa mga tinatawag na socioemotional skills ng mga bata upang maging matagumpay silang learners. Maliban sa kakulangan sa ganitong uri ng pagtututuro, sinabi rin sa report na ayon sa 40% ng mga kabataang lumahok sa survey ng World Bank, madalas na absent ang kanilang teacher.
Kung kulang sa kasanayan ang ating mga guro at may mga pagkakataong hindi sila nakapagtuturo, hindi na katakataka ang mataas na learning poverty sa ating kabataan. Paliwanag pa ng World Bank, nakaugnay ang problemang ito sa kalidad ng pagtuturo ang mababang suweldo, hindi kaaya-ayang kalagayan sa pagtatrabaho, at mahinang pag-unlad ng karera ng ating mga guro.
Sa ginawang mga pagbabago sa curriculum para sa kinder hanggang grade 10, inaasahan ng Department of Education na mas maaagang magiging marunong ang ating mga mag-aaral sa numeracy at literacy. Sabayan din sana ito ng pagpapahusay sa ating mga guro sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsasanay, pagbibigay ng makataong pasahod, at iba pang oportunidad na makahihikayat sa magagaling na pasukin ang propesyon ng pagtuturo. Sanga-sanga ang mga suliranin sa sektor ng edukasyon, kaya hanapin at tugunan sana ng gobyerno, lalo na ng DepEd, ang ugat ng mga ito. Ang mga ito sana ang atupagin ng mga namumuno sa DepEd sa halip na mamulitika at maghanap lagi ng kaaway.
Sa Catholic social teaching na Populorum Progressio, sinabi ni Pope Paul VI na ang kaunlarang pang-ekonomiya ng isang bansa ay nakasalalay sa kaunlaran ng lipunan at ng mga bumubuo nito. Samakatuwid, dagdag pa niya, ang anumang planong pangkaularan ay dapat na nakatuon sa basic education o pangunahing edukasyon. Idagdag nating dapat na dekalidad ang edukasyong nakakamit ng mga mag-aaral at isinasalin ng mga tagapagturo.
Mga Kapanalig, sabi sa Mga Kawikaan 22:6, “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran.” Paano malalaman ng ating kabataan ang daang dapat nilang lakaran kung kulang din ang kasanayan at karunungan ng mga gagabay sa kanila?
Sumainyo ang katotohanan.