528 total views
Makalipas ang dalawang taon ng pandemya, muling isasagawa ng Caritas Philippines ang malaking pagtitipon kasama ang mga social action workers ng 85 diyosesis sa bansa.
Ito ay ang 40th National Social Action General Assembly (NASAGA) na may temang “Leave No One Behind. Caritas Promise.” na gaganapin simula ngayong araw (June 13) hanggang June 17, 2022 sa General Santos City, South Cotabato.
“This is the biggest gathering (240 individuals, 71 diocesan social action centers out of 85) in the history of the national social action general assembly,” pahayag ni Caritas Philippines national director Bishop Jose Colin Bagaforo.
Napiling host ng NASAGA ngayong taon ang Diyosesis ng Marbel na pinamumunuan ni Bishop Cerilo “Allan” Casicas at Diocesan Social Action Director Fr. Jerome Millan.
Napapanahon din ito dahil ang diyosesis ang nangunguna ngayon sa matagumpay na kampanya laban sa pagbawi sa open-pit mining ban sa South Cotabato lalo na sa bayan ng Tampakan.
Sinabi naman ni NASSA/Caritas Philippines executive secretary Fr. Antonio Labiao, Jr. na asahang tatalakayin sa general assembly ang magiging tungkulin ng simbahan kaugnay sa katatapos lamang na eleksyon.
Ipinaliwanag ni Fr. Labiao na naaangkop ang pagtitipon upang pag-usapan ang pakikipag-ugnayan ng advocacy arm ng CBCP hinggil sa naganap na halalan, gayundin ang pakikipagtulungan sa bagong administrasyon.
Pag-uusapan din dito ang naging pagtugon ng mga social action centers nang manalasa ang Bagyong Odette sa 11 diyosesis noong Disyembre 2021.
Tampok din sa kauna-unahang pagkakataon sa NASAGA ang paligsahan sa pagitan ng 13 sub-regional clusters na nagpapakita ng pinakamahusay na mga programa ng mga social action center, maging ang exhibit ng mga produkto mula sa mga lokal na pamayanan at social enterprises na tinutulungan ng Caritas Philippines at lokal na social action.
Karaniwang isinasagawa ang NASAGA kada dalawang taon at dinadaluhan ng mga social action worker mula sa 85 diyosesis, ngunit naantala dahil sa pag-iral ng COVID-19 pandemic.
Nagsimula ito noong 1969 na layong pagtipunin ang lahat ng mga diocesan social action directors upang talakayin at aprubahan ang mga pangunahing resolusyon na may kaugnayan sa mga programa, serbisyong panlipunan, at organizational development ng Caritas Philippines.
“We are very happy with the turn-out of the delegates, especially after visiting 59 diocesan social action centers since February 2021. This is a very good indication of how we will be moving forward with the many things our church needs to address,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ang Caritas Philippines ang humanitarian, development, at advocacy arm ng CBCP na nagsisilbi bilang secretariat ng 85 diocesan social action centers, at kinatawan ng Pilipinas sa Caritas Internationalis na pinamumunuan naman ni Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples Cardinal Luis Antonio Tagle.