325 total views
August 5, 2020
Ikinalungkot ng opisyal ng International Catholic Migration Commission at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagsabog sa Beirut, Lebanon na ikinasawi ng maraming indibidwal kabilang ang migranteng Filipino.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Balanga Bishop Ruperto Santos, pangulo ng ICMC-Asia-Ocenia Working Group at Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ipinag-utos nito sa mga Filipino chaplain partikular sa Middle East na mag-alay ng panalangin at Banal na Misa para sa mga apektadong residente.
“Talagang nakalulungkot at masakit sapagkat very tragic ang nangyari; sinabihan ko ang lahat ng mga Filipino chaplains na mag-ukol ng panalangin at Santa Misa,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa ulat naganap ang pagsabog nitong Martes sa pantalan ng Beirut Lebanon kung saan 78 ang nasawi kabilang na ang dalawang Overseas Filipino Worker habang apat na libo ang nasugatan kasama ang anim na OFW.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng pagsabog.
Dalangin ni Bishop Santos ang kapahingaan ng kaluluwa ng mga nasawing biktima; lubusang paggaling naman sa mga nasugatan at katatagan ng mga naiwang pamilya.
“Ipanalangin natin ang katatagan ng mga naulila, na maging matibay, matatag at patuloy na umasa sa Diyos na makapangyarihan. Dasal din natin ang agarang paggaling ng mga nasugatan para sila ay muling makabangon at maibalik ang kalakasan,” dagdag ni Bishop Santos.