203 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa ng paggunita sa ika-45 taong pagkamatay ni Cardinal Rufino J. Santos at pag-tataas ng Galero ng yumaong Kardinal sa Manila Cathedral noong ika-3 ng Septyembre, 2018.
Sa banal na misa, sinariwa ng Kardinal ang magagandang biyaya na iniambag ni Kardinal Santos sa Simbahang Katolika ng Pilipinas lalo na sa hindi nito matatawarang paglilingkod sa Arkidiyosesis ng Maynila at sa muling pagbubuo ng Manila Cathedral noong 1958 matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Ayon kay Kardinal Tagle, isang pambihirang biyaya ng Pangioon si Kardinal Santos dahil sa matapat nitong paglilingkod sa simbahan at sa labis nitong pagmamahal sa Panginoon.
Ito ang naging dahilan upang matagumpay na naitatag ni Cardinal Santos ang napakaraming institusyon ng Simbahan tulad ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary, Cardinal Santos Memorial Hospital, Caritas Manila at ang Radyo Veritas.
“But remember the times everything was in ruins and you have to build again. He must have trusted the Lord so much, he must have known that it was not his gifts and God’s mighty hands at work and we are just stewards. But what an enterprising industrious steward he was.” Bahagi ng homiliya ni Kardinal Tagle.
Dahil dito, hinamon ni Kardinal Tagle ang mga mananampalataya na patuloy na suportahan ang iba’t-ibang mga institusyon at iba pang mga proyektong pinasimulan ni Kardinal Santos.
Umaasa si Kardinal Tagle na mabubuksan ang bawat puso ng mga mananampalataya sa Panginoong nagkakaloob ng napakaraming biyaya, sa lahat ng nagmamahal at naglilingkod sa kanya.
Si Cardinal Rufino J. Santos ang unang Filipino na ginawang Kardinal.
Siya ay naging Arsobispo ng Maynila simula 1953, noong panahong bumubangon pa lamang ang Pilipinas mula sa giyera.
Itinaas din ang pulang galero ni Cardinal Santos na pinalamutian ng mga tassels o mga palawit na nakasabit sa sombrero.
Dati itong ibinibigay sa mga Cardinal bilang isang simbolo ng responsibilidad na iniaatang sa kanila ng pamunuan ng simbahan.
Ang pulang kulay ng galero ay simbolo na ang kardinal ay posisyon ng paglilingkod na kaakibat ang kahandaang mag-alay ng dugo at buhay bilang pagsunod kay Hesukristo.
Bagamat itinigil na ang paggamit at pagbibigay ng galero sa mga kardinal noong 1969, nananatili pa rin ang tradisyon ng pagtataas nito upang alalahanin ang isang kardinal na yumao.