177 total views
“Malungkot.”
Ito ang reaksyon ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa legacy ng Pangulong Aquino sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng komisyon, maraming mga usapin sa nagdaang anim na taon na nakaapekto sa pamumuhay ng mga OFW na hindi naman nalutas ng administrasyong Aquino.
Kabilang na dito ang kontrobersyal na tanim laglag bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang balikbayan boxes na hanggang ngayon wala pa ring napaparusahan.
“Hindi masaya ang maiiwan sa legacy ng Pangulong Aquino dahil ito ay nakaapekto sa kanilang pamumuhay gaya ng tanim bala, at ang balikbayan boxes… hanggang ngayon wala pa napaparusahan sa tanim bala sa airport.” pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas sa programang Veritas Pilipinas.
Una ng minaliit ng Pangulong Aquino ang insidente ng tanim/laglag bala sa mga OFW sa NAIA na aniya, maliit lamang ang 1, 200 kaso na naitala kumpara sa 43 milyong indibidwal na labas pasok sa nasabing paliparan.
Kaugnay nito, ayon sa obispo, nalulungkot din ang mga OFW dahil hindi man lamang sila napasalamatan ng papaalis na administrasyon sa kanilang naging kontribusyon sa bansa.
“Ang mga OFW ay hindi naman sila kinilala ng ating Pangulo, hindi sila napasalamatan yan ang nararamdaman nila ang kalunkutan, kaya ang pag-alis ng Pangulo ang kanyang maiiwan kalungkutan, yung pamumuno ng 6 na taon niya walang nagawa para sa kanila, kung merun man konsuwelo de bobo lang ang pagtaas ng ceiling ng tax sa balibayan boxes na huli na ang lahat.” Dagdag pa ng obispo.
Tinatayang nasa 12 milyon hanggang 15 milyon ang mga Filipino sa ibat’-ibang panig ng mundo kung saan mahigit 2 milyon dito nasa Gitnang Silangan.