187 total views
Umaapela ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa Department of Foreign Affairs na maging pro-active sa pagtugon sa pangangailangan ng mga bilanggong Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kailangang kumilos ang pamahalaan upang iligtas ang buhay ng 73- Filipino na pinatawan ng parusang kamatayan sa iba’t-ibang bansa.
Nanawagan si Bishop Santos kay Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na gawin ang lahat ng makakaya tulad ng paghingi ng clemency at pagbibigay ng legal assistance sa mga migranteng Filipino na nakakulong.
“They are Filipino, our people. We should help and assist them most, providing all legal means. We should exhaust all means and do what is most possible to save them from death. We can ask for clemency or life commutation as to spare them from death.” panawagan ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Pinaalalahanan rin ni Bishop Santos ang mga mambabatas na itigil na ang pagsusulong ng parusang kamatayan upang mapairal pa rin ang “moral ascendancy” ng bansa at mapadaling mapalaya ang mga Filipinong nahaharap sa death penalty sa ibang bansa.
Iminungkahi rin ng Obispo sa mga mambabatas at sa executive department na sa halip na ipilit ang reimposition ng death penalty ay ayusin ang anti-people na justice system, linisin ang bilangguan at parusahan ang mga tiwaling opisyal ng National Bureau of Corrections.
“Here, we should not pursue the reimposition of death penalty so that we can have moral ascendancy and authority to ask and beg for mercy for our Filipino facing death penalty. Our government officials should focus first to reform our justice system and cleanse national penitentiary. Reform, punish those negligent and corrupt jail officials.”paninindigan ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Kinumpirma ni Yasay na 22-Pinoy sa Saudi Arabia ang hinatulan ng bitay dahil sa kasong murder at isa ay may kaugnayan sa droga.
41-OFW naman ang hinatulan ng kamatayan sa Malaysia kung saan 20 rito ay dahil sa kasong drug trafficking.
Sa kasalukuyan, umalma ang mga pro-life congressman sa ginawang railroading ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa panukalang batas kaugnay sa reimposition ng death penalty matapos ipatigil ang plenary debates.