6,387 total views
Opisyal na lumagda ng kasunduan ang Legal Network for Truthful Election (LENTE) at Commission on Elections (COMELEC) bilang bahagi ng patuloy na paghahanda para sa nalalapit na Midterm Elections sa Mayo.
Pinangunahan ni LENTE Senior Program Director for the Abuse of State Resources Project Atty. Ryan Jay Roset ang paglagda sa Memorandum of Agreement para sa pinaigting na pagtutulungan sa pagbabantay at pagtiyak ng kaayusan at katapatan sa papalapit na halalan.
Ang nasabing kasunduan ng COMELEC sa pagitan ng iba’t ibang mga election watchdog ay alinsunod na rin sa COMELEC Resolution No. 11104 na nagbabalangkas ng mga alituntunin para maiwasan ang Abuse of State Resources (ASR).
Naganap ang paglagda sa nasabing kasunduan noong February 7, 2025 kung saan muli ring inilunsad ang Committee on Kontra Bigay sa tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Manila.
Kaugnay nito bahagi ng nilagdaang kasunduan ang pakikipagtulungan ng LENTE sa Committee on Kontra Bigay na mangangasiwa sa pagpapaigting sa kampanya ng COMELEC laban sa talamak na vote buying at vote selling tuwing panahon ng halalan sa bansa.
“This partnership builds upon COMELEC Resolution No. 11104, approved by the en banc last January 28, 2025, which outlines guidelines to prevent the Abuse of State Resources (ASR). Moving forward, LENTE will work closely with the COMELEC Kontra Bigay Committee and government stakeholders to develop more strategic and responsive monitoring mechanisms to curb vote-buying and the abuse of state sources.” Bahagi ng pahayag ng LENTE.
Ayon sa pagsusuri ng LENTE ang Abuse of State Resources (ASR) ay ang tahasang paggamit ng mga kandidato sa mga koneksyon at ari-arian na pagmamay-ari ng estado tuwing panahon ng halalan na maituturing din na isang uri ng kurapsyon o katiwalian.
Kaugnay nito tiniyak ng LENTE ang pakikipagtulungan sa COMELEC at sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan upang maisulong ang pagkakaroon ng ligtas, marangal at matapat na halalan sa bansa.
Bukod sa Midterm Elections na nakatakda sa May 12, 2025 ay babantayan rin ng LENTE ang nakatakdang 1st BARMM Parliamentary Elections.
Bukod sa LENTE, lumagda rin sa nasabing kasunduan sa pagitan ng COMELEC ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan sa bansa.