1,267 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) sa Bangsamoro Transition Authority Parliament matapos na tuluyang maisabatas ang Bangsamoro Electoral Code of 2023 o Bangsamoro Autonomy Act No. 35.
Kinilala ni LENTE Executive Director Atty. Rona Ann Caritos ang pagsusumikap ng Committee on Rules ng Bangsamoro Transition Authority Parliament na matiyak ang maayos na pagkakabuo ng nasabing Bangsamoro Electoral Code.
“The Legal Network for Truthful Elections would like to congratulate the Bangsamoro Transition Authority Parliament, especially the Committee on Rules, for the swift enactment of the Bangsamoro Electoral Code of 2023 or the Bangsamoro Autonomy Act No. 35.” pahayag ng LENTE.
Nagpaabot rin ng pasasalamat ang LENTE sa pagbibigay ng pagkakataon sa organisasyon sa pagbubuo ng Bangsamoro Electoral Code sa pamamagitan ng pagsasagawa ng konsultasyon sa rehiyon na nagresulta sa institutional partnership sa pagitan ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education para sa opisyal na pagsasama ng Bangsamoro History and Bangsomoro Parliamentary System sa Senior High School Curriculum.
Mula taong 2020 ay aktibo na ang LENTE sa pakikibahagi sa iba’t ibang mga inisyatibo at gawain sa pagbubuo ng Bangsamoro Electoral Code kung saan kabilang sa mga inisyatibong pinangunahan ng organisasyon ay ang pagsasagawa ng serye ng konsulasyon at talakayan sa iba’t ibang mga sektor sa rehiyon ng BARMM.
Layunin ng pagbubuo ng Bangsamoro Electoral Code of 2023 na matiyak ang pagkakaroon ng inclusive election sa rehiyon bilang paghahanda sa nakatakdang parliamentary elections sa BARMM sa taong 2025.
Ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ay isa sa mga pangunahing kasaping organisasyon ng Halalang Marangal Coalition na binubuo ng iba’t ibang mga organisasyon na nagsusulong sa pagkakaroon ng matapat at marangal na halalan sa bansa na pinangungunahan ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na Caritas Philippines.