246 total views
Pansamantalang ipinagpaliban ang nakatakda sanang ‘Lenten Recollection’ na pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle sa Italya.
Ayon kay Fr. Gregory Gaston, rector ng Ponticio Collegio FilLipino at coordinator ng Pastoral Care of the Overseas Filipino Community sa Italya, ito ay dahil na rin sa banta ng corona virus disease o COVID-19.
“May recollection sana with Cardinal Tagle, marami na nagsign-up all over Italy kaso gawa nga ng cancel ang mga school sabi namin out of respect sa Italian government i-cancel na rin muna namin,” ayon pa kay Fr. Gaston.
Ito sana ang kauna-unahang recollection ni Cardinal Tagle sa Italya simula ng maitalaga bilang Prefect of the Congregation of Evangelization of Peoples.
Nakatakda sana ang recollection ni Cardinal Tagle sa ika-15 ng Marso.
Bukod sa recollection ni Cardinal Tagle, ilang ding malalaking pagtitipon sa Roma ang ipinagpaliban kabilang na dito ang Pope’s Economic Summit na ‘The Economy of Francesco’ at ang Pope Francis’ Global Compact on Education na isasagawa sana ngayong Marso at Mayo.
Una na ring ipinag-utos ng pamahalaan ng Italya ang suspensyon ng klase sa mga paaralan at unibersidad lalu’t umabot na sa higit tatlong libo ang nagpositibo sa COVID-19 kabilang na ang 107 nasawi dulot ng virus.
Sa kasalukuyan si Cardinal Tagle ay dumadalo sa weeklong retreat sa Castel Gandolfo kung saan hindi naman nakadalo si Pope Francis dahil na rin sa kaunting karamdaman.
Ito ang kauna-unahang pagliban ng Santo Papa Francisco sa ‘retreat’ sa loob ng 7-taong panunungkulan bilang pinuno ng simbahang Katoliko.
Una na ring napaulat na ligtas ang Santo Papa mula sa COVID-19 matapos ang ginawang pagsusuri.