336 total views
Ang panahon ng Kuwaresma ay isa ring pagkakataon upang makapagpaabot ng tulong sa mga nangangailangan.
Dahil dito, nanawagan sa bawat mananampalataya si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na kumilos alang-alang sa kapwa lalo na sa mahihirap at mga biktima ng kalamidad.
Paliwanag ng Obispo, malaki ang maitutulong kung ibabahagi ng bawat mananampalataya sa programang Alay Kapwa ang matitipid sa pagpa-Fasting ngayong Lenten Season na ilalaan sa agarang pagtulong ng Simbahang Katolika sa mga nasalanta ng iba’t ibang kalamidad at sakuna sa bansa.
“Alam po natin yang Alay-Kapwa natin yan po ay nakalaan para sa mga relief assistance ng mga natural catastrophe, na mayroon tayong nakahandang pondo para tumulong na magrehabilitate sa mga taong nasalanta ng mga bagyo at mga lindol at kailangang kailangan natin ng ganitong paghahanda, dahil madalas tayong dalawin ng mga natural catastrophe at calamities kaya sana maging generous tayo sa ating kapwa yung mga natitipid natin sa ating pagpipenetensya ay ibigay natin sa Alay Kapwa, malaking tulong po yan…” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, kasabay ng pagpipinetensya ngayong panahon ng Kuwaresma ay hindi rin dapat malimutan ng bawat mananampalataya ang pag-aalay ng sarili sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan lalo’t kasalukuyan ring ginugunita ngayon ng Simbahang Katolika and Extraordinary Jubilee Year of Mercy.
Kaugnay nito, batay sa datos ng CBCP-NASSA / Caritas Philippines, noong taong 2015 umabot sa P4 na milyon ang nakalap na pondo ng Alay Kapwa kung saan inilaan ang P2-milyon sa limang diyosesis na naapektuhan ng Bagyong Nona noong December 2015.
Batay sa pag-aaral ng Global Climate Risk Index simula taong 1994 hanggang 2013 pang lima ang Pilipinas sa sampung bansang pangunahing naaapektuhan ng extreme weather conditions na dulot ng Climate Change.
Sa ulat nga ng PAGASA, karaniwan na ang higit sa 20 bagyo kada taon ang pumapasok sa bansa.