191 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng send-off mass para sa mga volunteers at staff ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE).
Sa pagninilay ng Arsobispo, inihayag nito ang kahalagahan ng pagtuklas sa tunay na mukha ng Panginoon.
Sinabi nito na kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Mt. Carmel, nawa sa makabagong panahon ay matagpuan ng mga mananampalataya ang bundok ng Carmelo kung saan magpapakita ang tunay na Diyos at makikilala ang pagkakaiba nito sa mga nag didiyus-diyosan.
“Where are the Carmels of today? Can we help the vulnerable youth to discover the true God? Pumunta kayo sa Carmel ng buhay ninyo, [doon] magpapakita ang tunay na Diyos,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Dagdag pa ni Cardinal Tagle, tampok sa kapistahan ang Mahal na Birheng Maria na naglalarawan sa karunungan ng mga ina na dalhin ang kanilang anak kay Hesus.
“The wisdom of Our Lady of the Mt. Carmel is leading us to the true God. Malaki ang papel ng mga mothers, women, in evangelization in this continuing walk in order to proclaim the good news.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle
Dahil dito, sa ilalim ng temang Filipino Youth Walking with Jesus, hinimok din nito ang mga kabataan na tuklasin ang daan na tinahak ng Panginoon,
Kasabay ng pagtuklas sa landas ni Hesus ayong kay Cardinal Tagle ay ang pagtuklas din sa pamamaraan ng mga kabataan sa pagpapalaganap ng makabagong ebanghelisasyon.
At nawa sa paglalakbay, umaasa si Cardinal Tagle na laging hahanapin at tutuklasin ng mga kabataan ay ang landasin ni Hesus.
“Life has different types of walking and your state of life is a state of walking, your mission is also a way of walking. Sana ang mga kabataan, ang maging lakad nila yung lakad din ni Hesus. Yan ang new evangelization, rediscovering many walks of Jesus, rediscovering also Jesus’ walk in the way the young walks specially the way of cross leading to the walk of life and light,” pahayag pa ni Cardinal Tagle.
Ang PCNE na magsisimula bukas ika-18 ng Hulyo ay inaasahang dadaluhan ng mahigit sa anim na libong mga delegado.