2,181 total views
Hinikayat ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mamamayan na pahalagahan ang buhay at mamuhay sa kalooban ng Panginoon.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ngayong September 8.
Ipinagdarasal ni Bishop Santos na tulad ng Mahal na Ina ay mapuspos ng pagpapala ang bawat isa at mapagtagumpayan ang anumang hamong kinakaharap.
“Let us take care of our life. Let us live a moral, right and good life. Let us love our Blessed Mother Mary. And we live the life of Jesus, her Son and our Savior. Be victorious here on earth over vices, selfishness and sins. Be full of grace for others.” bahagi ng mensahe ni Bishop Santos.
Ayon kay Bishop Santos ang kapanganakan ng Birheng Maria ay paalala sa sanlibutan na ang bawat nilalang ay nilikha ng Diyos sa kanyang wangis na dapat itong pahalagahan.
Inihayag ng obispo na kaakibat ng kaloob na buhay ang misyong iniatang ng Panginoon na maging mabuting katiwala sa sangnilikha.
“He trusts us and entrusted something, someone to our care. God is confident in our capacity and confided anything, anyone to our life.” ani Bishop Santos.
Umaasa ang opisyal na tulad ng Mahal na Birhen ay masigasig ang bawat isa at buong kababaang loob na tumugon sa paanyaya ng Panginoon na maging mabuting katiwala.
Ito rin ang panawagan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa mamamayan na pahalagahan ang buhay na kaloob ng Panginoon at magkaisang labanan ang anumang hakbang na makasisira sa dignidad ng buhay.
Tuwing September 8 ipinagdiriwang ng simbahan ang Kapistahan ng Pagsilang kay Maria na naging daan upang isilang si Hesus ang tumubos sa sanlibutan mula sa kasalanan.