215 total views
Huwag maging kampante laban sa COVID-19.
Ito ang paalala ni Camillian priest Fr. Dan Vicente Cancino, Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care sa muling pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Fr. Cancino, marahil ang pagiging kampante ng mga tao ang dahilan nang muling pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa virus.
Muli namang ipinapaalala ng pari na ugaliin ang pagsunod sa minimum healthcare standards tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield, maging ang paghuhugas ng kamay o paglalagay ng hand sanitizers at ang physical distancing upang makaiwas na mahawaan ng sakit.
“Baka naging kampante tayo. Kaya ang mensahe natin [ay] bumalik tayo doon sa pagiging vigilant. Doon pa rin tayo sa tamang paggamit ng minimum public healthcare standards,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal ng C-B-C-P na maraming tao na tinitingnan ang COVID-19 vaccine bilang pag-asa laban sa nakamamatay na sakit.
Paglilinaw ni Fr. Cancino na kahit nabakunahan na ay hindi pa rin maiiwasan na hindi mahawaan ng sakit, ngunit mababawasan lamang ng vaccine ang epekto ng virus sa katawan ng tao.
Patuloy namang nananawagan sa publiko ang pamahalaan at simbahan na magpabakuna laban sa virus upang tuluyan na itong humupa at hindi na magdulot pa ng pagkabahala sa mamamayan.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, nakapagtala ng 7,757 panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa, habang 15,288 ang mga gumaling at 39 naman ang mga nasawi.