220 total views
Ito ang pahayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa ikalawang araw ng nobenaryo para sa nalalapit na kapistahan ni San Jose.
Hinimok ng Kardinal ang mga mananampalataya lalo na ang mga kabataan na tularan ang pagiging masipag at masunurin ni San Jose sa mga utos ng Diyos.
Ayon kay Kardinal Tagle, malimit na kinaiinisan ng mga kabataan na sila’y inuutusan dahil sa pakiramdam na sila’y minamaliit o inaalipin.
“Naku po ang mga kabataan ngayon huwag na huwag mong mauutusan. Allergic ang maraming bata sa command… Kaya maganda na tularan si San Jose kapag sinabing commandment of God, hindi naman yan para kang busabos na pinupukpok ng isang nangaalipin sa iyo.”bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Gayundin, sinabi nitong maging ang mga nakatatanda ay may ganitong problema na ayaw nasasabihan, nauutusan o naitatama na ugali ng kayabangan na dapat alisin ng bawat tao.
Ipinaliwanag ng Kardinal na ang utos ng Panginoon ay hindi pang-mamaliit bagkus ito’y laging para sa ikabubuti ng nakararami.
“Hindi ata yung commandment mismo eh, ang problema natin. Ang problema ay kayabangan, ayaw masasabihan at ‘yan ay hindi lamang sa kabataan, pati sa hindi na bata yan pa rin ang sakit.”paliwanag ni Cardinal Tagle
Dagdag pa ng Kardinal, marapat din na tularan ng mga kabataan ang katahimikan ni San Jose.
Sinabi ni Cardinal Tagle na puno na ang mundo ng mga mapapangit na salita at huwad na balita kaya marapat na bigyan ng puwang ang katahimikan at hayaang ang mabubuting gawa ang magsalita para sa atin.
“Ang mundo natin pangit ang salita, hate Speech mga trolls, fake news, mga masasakit na salita. Pwede kaya kay San Jose tumulad? Pwede bang tumahimik at magsalita na lamang sa pamamagitan ng gawa. Let your actions speaks.” Dagdag pa ng Kardinal
Partikular na hinimok ni Kardinal Tagle ang mga kabataan na bawasan ang pagsasalita at sa halip ay palitan ito ng gawaing nakatutulong sa kapwa, at nakapaghihilom ng mga sugat.
“Sa mga kabataan sana matutunan ninyo ang kagandahan ng katahimikan, hindi yung katahimikan na walang pakialam kun’di yung katahimikan na busyng-busy sa paggawa walang oras ngumawa. ‘Yung iba ang daming oras ngawa ng ngawa wala nang oras para gumawa. Pwede kaya nating baliktarin? Gamitin ang oras sa paggawa at bawasan na ang ngawa ng ngawa, dada ng dada, na nagpapangit sa mundo na tumitimo at nananakit ng puso.” Pahayag pa ni Kardinal Tagle.
Sa ika-19 ng Marso ipagdiriwang ng simbahan ang kapistahan ni San Jose na kinikilalang Patron ng Pandaigdigang Simbahan at Patron ng mga Manggagawa, base sa deklarasyon ni Pope Pius IX noong 1870.