8,058 total views
Homiliya para sa ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon, 3 Setyembre 2023, Mat 16:21-27
Medyo malakas ang dating ng himutok ni prophet Jeremiah sa ating first reading ngayon. Nakakabigla. Sabi ba naman niya, “Niloko mo ako, Panginoon. At nagpaloko naman ako sa iyo.” Wow. Kaya nyo bang magsalita ng ganoon sa Diyos? Sa mga Kristiyanong walang alam sabihin sa panalangin kundi “Praise the Lord!”, siguradong nakakaiskandalo ito.
Sino nga ba naman tayo para magreklamo nang ganito sa Diyos? Ang takot lang natin na baka tamaan tayo ng kidlat. Pero sa maniwala kayo’t hindi,halos trenta porsiyento sa mga Salmo sa Bibliya ay ganito ang tono—panaghoy. Iyung iba nga mas matindi pa ang dating kaysa sa sinabi ni Jeremiah.
Siguro may expectation si Jeremiah na kapag sumunod siya sa Diyos, kapag ginawa niya ang iniuutos sa kanya, lahat ng bagay sa buhay niya ay magiging maayos at payapa. E baligtad ang nangyari. Inulan siya ng mga pasakit at pagdurusa. Para bang nagising na lang siya isang araw at namulat na hindi pala tugma sa expectation niya ang ibubunga ng pagsunod niya. At para bang hindi na siya makaatras. NAPASUBO, kumbaga.
May tawag sa Ingles sa sitwasyong ganyan, lalo na kapag feeling mo magkaiba kayo ng expectations ng katrabaho mo. Na para bang hindi nagtatagpo ang mga pananaw ninyo. Kailangan ng LEVELLING.
Ganito rin ang dating ni Pedro kay Hesus sa ating Gospel reading ngayon. Malapit na silang pumasok sa Jerusalem pero magkaiba pa rin pala sila ng intindi sa pinapasok nila. Pupunta daw siya sa Jerusalem para magdusa, mamatay at muling mabuhay. Kaya hinarap siya ni Pedro at sinaway. Siya tuloy ang nasaway. Naging okasyon ito para mag-levelling sila bago magpatuloy sa Jerusalem. Ang dating sa akin ng paliwanag ni Hesus kay Pedro ay parang malapit sa sinasabi ng kanta, “I beg your pardon, I never promised you a rose garden.”
Ito ang maganda kay Pedro; hindi niya ugali ang magkunwari. Prangka siya, walang kaplastikan. Malakas ang loob niya na ipahayag sa Panginoon ang totoong nararamdaman niya. Hindi ba ganoon naman talaga siya mula sa umpisa?
Noong napaluhod siya sa bangka matapos na mapuno ng isda ang lambat niya, di ba’t sinabi niya, “Humanap ka na lang ng iba; makasalanan akong tao. Hindi ako nababagay sa ipinagagawa mo.”
Noong huhugasan ni Hesus ang mga paa niya, ang reaksyon niya ay “Huwag ka namang magpakababa nang ganyan, ang taas ng tingin ko sa iyo.”
Noong sinabihan sila na haharap sila sa matinding pagsubok at marami sa kanila ang titiwalag, sabi niya, “Handa akong magpakamatay para sa iyo.”
Noong nasa gitna sila ng dagat at bumabagyo at nakita niyang naglalakad sa tubig ang Panginoon, sabi niya, “Kung ikaw nga iyan, hayaan mong lumakad ako sa tubig papunta sa iyo.”
Ibig sabihin, palagay ang loob niya na sabihin ang totoong saloobin niya kay Hesus, dahil kaibigan ang turing sa kanya. Kaya niyang pagsabihan ang kaibigan nang diretsahan, hindi na nagpapatumpik-tumpik pa. At mukhang ganitong klase talaga ang gustong makatrabaho ng Panginoon. Di ba ang sagot niya sa reaksyon sa kanya ni Nataniel o Bartolome ay, “Narito ang tunay na Israelita, walang pagkukunwari sa kanya.”
Isa pang taong prangka sa Diyos ay si Santa Teresa de Avila. Noong dumanas siya ng matinding pagsubok dahil sa pagsunod niya sa kalooban ng Diyos, nagreklamo daw siya sa panalangin, “Bakit mo naman ako hinahayaang dumanas ng ganitong hirap?” At ang sagot daw ng Diyos ay, “Dahil kaibigan ang turing ko sa iyo.” At ang mabilis na sagot ni Teresa ay, “Kaya naman pala kakaunti lang ang nakikipagkaibigan sa iyo.”
Ang alagad, bago maisugo ay kailangan munang maging kaibigan. Di ba sinabi ni Hesus noong magpaalam siya sa mga alagad niya, “Hindi ko na kayo tinawag na alipin sapagkat hindi alam ng alipin ang kalooban ng kanyang amo. Kaibigan ang turing ko sa inyo.” (Juan 15:15)
Dalawang direksyon ng leveling ang kinailangan para mangyari ang relasyon na ibig magkaroon ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamgitan ni Kristo. Kinailangan muna niyang mag-level down, magpakumbaba, magkatawang-tao at makipagkapwa sa tao bilang tao. Sa parte naman ng tao, pinag-level up tayo: itinataas niya tayo, tinawag na maging kaanak ng Diyos para matuto tayong tumingin mula sa perspective ng Diyos.
Mahirap intindihin ang paliwanag ni Hesus sa ebanghelyo: na ang matindi ang kapit sa buhay ang siyang mawawalan nito at ang handang mawalan nito ang siyang magkakamit nito. Na ang mukhang pagkalugi sa mundo ay pakinabang sa kanya. Kaya siguro pinababa niya si Zaqueo para turuan siyang magpakumbaba, bago siya itinaas at nakasalo sa hapagkainan.
Mga kapatid, huwag tayong matakot makipag-levelling sa Diyos. Kaibigan ang hanap niya, hindi alipin.