1,644 total views
Tiniyak ng mambabatas sa Mababang Kapulungan ang pagsusulong na maipagpatuloy ng pamahalaan ang Libreng Sakay Program hanggang sa susunod na taon.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang Libreng Sakay Program ng Department of Transportation (DOTr) ay malaki ang pakinabang sa mamamayan lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, gayundin ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at pamasahe.
Bukod sa Libreng Sakay Program, kabilang din sa probisyon ng panukalang national budget ang Pantawid Pasada Fuel Program na kinakailangang manatili lalo’t nakakatulong sa higit na nakakaraming mamamayan.
“Itong Pantawid Pasada at Libreng Sakay, diretsong ginhawa ito sa ating mga kababayan. Ayuda ito sa mga drayber at operators sa panahon ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. At ang libreng sakay naman ay malaking tulong sa ating commuter na nahihirapang pagkasyahin ang kita sa isang araw,” ayon kay Romualdez.
Nagsimula ang Libreng Sakay ng DOTr at Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) noong 2020 sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act na ipinagtuloy hanggang 2022.
Sa bersyon ng Kamara sa 2023 national budget ang paglalaan ng 5.5 billion pesos para sa Pantawid Pasada Fuel Program, Libreng Sakay at pagpapagawa ng mga bike lane bilang bahagi 77-billion pesos institutional amendments o mga programa para sa publiko sa national budget.
Patuloy naman panawagan ng Simbahang Katolika sa pamahalaan ang paglikha ng mga trabaho, at polisiya na makakatulong sa mahihirap na Filipino sa epekto ng pandemya at krisis pang-ekonomiya.