199 total views
Inilunsad ng Jesuit Communications Foundation ang aklat na pinamagatang “Courage!”, na naglalayong patingkarin ang kahalagahan ng katapangan at kagitingan sa gitna ng anumang pagsubok na kinakaharap ng Pilipinas.
Ayon sa may akda ng libro na si Edmundo Garcia, isang 1987 Constitutional Framer, Peace Advocate at kilalang propesor, nais niyang himukin ang mamamayan na ipamalas ang kanilang katapangan sa gitna ng anumang hamon na dumating sa ating buhay.
Bukod dito, layunin din ng aklat ni Garcia na makapagbigay ng pag-asa at panatilihin itong buhay sa puso ng bawat Filipino.
“I would like to invite everyone to have courage because most of all we have to manifest courage in our lives and in a sense the message of the book is to be courageous in good times and in bad, to have hope to keep hope alive among our people, never to give up.” Bahagi ng pahayag ni Garcia sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, binigyang diin naman ni Sr. Patricia Fox, NDS, isa sa mga dumalo sa Book Launching, na sa kabila ng pag-uusig na naraanasan ng maraming Filipino at tulad rin niya, ay mahalagang mapanatili ang pananalig sa Panginoon, at manalig na ang kadilimang dumarating sa ating buhay, ay mayroong katapusan, dahil si Hesus na muling nabuhay at ang Espiritu Santo ay nananahan sa bawat Filipino.
Dagdag pa ni Sr. Fox, nawa ang galit na namamayani sa puso ng mga inuusig ay panibaguhin ng Diyos at maging pag-ibig, at ang kalungkutan at pagdadalamhati at mapalitan ng katapangan at kagitingan.
“I think even when the darkness is there, it will be overcome because we believe that Jesus is alive and that spirit is alive and active… The task of the time is to transform grief into courage, hatred in to our capacity to love.” Bahagi ng mensahe ni Sr. Fox.
Samantala, pinuri naman ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang aklat na “Courage!” dahil sa inspirasyong maibibigay nito sa lahat ng makababasa ng aklat.
Naniniwala si Bishop David na ang mga aklat na tulad ng “Courage!” ang magpapanumbalik ng nag-aalab na damdamin ng mga Filipino, sa pagmamahal sa bayan.
“Sana bumili kayo ng kopya ng librong ito because it will really give you an inspiration at ako mismo parang lumakas ang loob ko pagkatapos kong makinig sa mga testimonies mga book reviews, mga messages. Pero I am sure the book itself is going to be more interesting parang it will put fire in your belly for love of country.” Pahayag ni Bishop David sa Radyo Veritas.