649 total views
Inihayag ng opisyal ng University of Santo Tomas na mahalagang malaman ng mga Pilipino ang mga gawain ng mga naunang misyonerong nagpalaganap ng pananampalataya sa Pilipinas.
Ito ang mensahe ni UST Prefect of Libraries Dominican priest Fr. Angel Aparicio sa paglulunsad sa bilingual edition ng aklat na ‘Ensayo de una sintesis de los trabajos realizados por las Corporaciones Religiosas Españolas’ (Easy of a synthesis of the works accomplished by the Spanish religious corporations in the Philippines) na ini-akda ni Fr. Valentin Morales Marin, O.P.
Ayon sa pari, magandang pagkakataong mailimbag sa wikang ingles ang aklat upang maunawaan ng mga Pilipino ang pagsusumikap ng mga misyonerong tulungan ang mamamayan hindi lamang sa usaping espiritwal kundi maging sa panlipunang pag-unlad.
“It is very important, especially now that we celebrate the 500th anniversary, that the work of evangelization is a work of love and the spreading of the gospel to the Filipino people; what transpired during the Spanish period of 1521 to 1898,” pahayag ni Fr. Aparicio sa panayam ng Radio Veritas.
Nilalaman ng aklat ang mga aral at gawain ng mga prayle noong unang panahon tulad ng ebanghelisasyon, paglingap sa mga mahihirap, pagpapagawa ng mga kalsada at tulay na kapakipakinabang sa mamamayan.
“We made it in English so that they can really read an original work about the history and the evangelization of the Philippines by the religious corporations, the Franciscans, Augustinians, Dominicans, and the Recollects,” ani Fr. Aparicio.
Ipinaliwanag ng pari na isa sa mga dahilan ni Fr. Marin na isulat ang aklat na unang inilimbag noong 1901 ay upang pabulaanan ang iba’t ibang paratang laban sa mga prayle.
Sa Volume I ng Ensayo tinatalakay dito ang pre-Spanish Civilization, Spanish colonization at ebanghelisasyon sa buong bansa habang sa Volume II naman tinalakay ang mga gawain ng mga misyonerong – Agustino, Franciscano, Recoleto at Dominikano.
Ayon naman kay dating UST Archivist at mananaliksik Prof. Regalado Trota Jose, sa tulong ng mga naunang misyonero ay unti-unting umunlad ang komersyo at lumago ang kultura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala si Jose na makatutulong ang aklat para labanan ang fake news at disinformation sa lipunan sapagkat ang mga isinulat dito ay batay sa karanasan at tunay na pangyayari sa kasaysayan.
“Kahit nandiyan ang multi-media o yung digital kailangan pa rin balikan ang mga aklat o hardcopy sapagkat mahirap itong baguhin unlike digital na may paraan para sa alteration,” ani Jose sa Radio Veritas.
Inaasahan ng opisyal na mailagay sa mga aklatan ang Ensayo upang magkaroon ng sapat na access ang mamamamayan lalo na ang kabataan sa wastong impormasyon hinggil sa pananampalataya at lipunan.
Ang bagong edisyon ng aklat ay nailimbag sa pagtutulungan ng University of Santo Tomas Miguel de Benavides Library, Archivo de la Unversidad de Santo Tomas at ng Union Bank of the Philippines.
Ginanap ang book launching nitong September 7, 2022 sa UST Senior High School Library sa kabubukas lamang na Blessed Pier Giorgio Frasseti Building.
Dumalo sa pagtitipon si UST Rector, Very Rev. Richard Ang, O.P., mga opisyal ng UST, kinatawan ng Spain Embassy, mga opisyal ng Union Bank of the Philippines at mga kawani ng ilang institusyon ng pamahalaan.
Sa mga nais magkaroon ng kopya ng Ensayo maaring makipag-ugnayan kay Ms. Sabina Viernes sa email [email protected] o tumawag sa 02 8731 – 3034.