353 total views
Nakikipagtulungan ngayon ang Apostolic Vicariate of Jolo sa pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ngayon ng kaguluhan sa lalawigan dahil sa patuloy na opensiba laban sa bandidong Abu Sayyaf.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Jolo Social Action coordinator Ramona Pendon, ilang mga volunteers ng Simbahang Katolika ang nagbabahagi ng kanilang mga sarili para tumulong sa repacking ng mga relief goods ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa mga Internally Displaced Person sa 5 munisipalidad sa Sulu.
Sa datos ng ahensya, aabot sa halos 5-libong indibidwal ang nagsilikas sa munisipalidad ng Patikul, Maimbung, Indanan, Parang at Talipao.
Aminado si Pendon na hindi madali para sa Simbahang Katolika ang magsagawa ng pansariling relief operation dahil na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa mga apektadong lugar.
“Limited po ang areas na puwedeng puntahan because of the military operation, all our activities ay dumadaan sa opisina ng military,” pahayag ni Pendon sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa tala aabot lamang sa tatlong porsiyento ng kabuuang populasyon ng Sulu ang mga Kristiyano.
Gayunpaman patuloy pa rin ang pagkilos na ginagawa ng Simbahang Katolika partikular na ng Apostolic Vicariate of Jolo na tulungan ang mga apektado ng kaguluhan lalo na sa mga pangangailangan nila sa developmental programs kagaya ng edukasyon at kabuhayan.