169 total views
Isang libo at pitong daang sako ng bigas ang ipinamahagi ng Archdiocese of Cotabato sa mga parokya na apektado ng El Niño phenomenon sa mga lalawigang nasasakupan ng Arkidiyosesis ngayong araw.
Inihayag ni Archdiocese of Cotabato Social Action Center director Father Clifford Baira na ang nasabing mga bigas ay mula sa 300,000 libong piso na tulong pinansiyal ng Caritas Manila at iba pang institusyon para tugunan ang pagkain ng libu-libong biktima ng tagtuyot sa kanilang lugar.
Tiniyak ni Father Baira na mismong ang mga nasa parokya ang mamahagi ng bigas sa mga apektadong residente maging ito ay Katoliko o hindi.
“Na-release na natin ‘yun mga sacks of rice sa mga Parokya, tatlong areas na ang nabigyan natin yung Parish of Lambayong, Esperanza, and Quirino. Binigyan natin sila ng more than a hundred (sacks) per Parish,” pahayag ni Fr. Baira sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa naman si Fr. Baira na magkakaroon na ng sapat na ulan sa kanilang lugar upang makapaghanap buhay na ang mga magsasaka. Aminado ang Pari na bagamat may pag-ulan na nagaganap sa kanilang lalawigan ay hindi pa rin nito agad matutugunan ang suliranin ng mga magsasaka.
“parang ngayong lang din sila magtatanim so they have to wait around 3 to 4 months bago magkaroon ng production ang mga farms nila.”pahayag ng pari
Batay sa datos ng Department of Agriculture, umaabot na sa mahigit pitong bilyong piso ang pinsala ng El Nino sa sektor ng agrikultura sa bansa.