14,255 total views
Apektado pa rin ang pamumuhay ng maraming residente sa Diocese of Surigao tatlong buwan matapos ang pananalasa ng bagyong Odette.
Ayon kay Rev. Fr. Denish Ilogon, Social Action Director ng Diyosesis, hanggang sa ngayon ay sinisikap pa ring bumangon ng mga residente mula sa malaking pinsala na iniwan ng bagyo.
Aminado si Fr. Ilogon na bagamat sumisigla na muli ang turismo sa kanilang lalawigan partikular sa isla ng Siargao ay hindi naman magawa ng ilan na makapaghanapbuhay sapagkat nasira ng bagyo ang kanilang mga kagamitan.
“Actually makakatulong ito kaya lang tulad sa Siargao ‘yun nga tungkol sa tourism marami rin nawalan [ng kabuhayan] tulad ng mga boatman wala na sila bangka na magagamit dahil nasira ng bagyo ‘yun din ang medyo mahirap sa kanila,” pahayag ng Pari sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Ilogon na bagamat nakatuon ang kanilang pansin ngayon sa rehabilitasyon ng mga nasira ang kabahayan ay pinag-aaralan na rin nila kung paano makakatulong sa kabuhayan ng mga residente.
“Nag-iisip din kami hindi lang sa Siargao kundi maging sa ibang lugar na siguro yung third phase na dapat pagtuunan namin ng pansin pagkatapos ng relief goods, ng rehabalitation ay pagtuunan din namin ng pansin ‘yung livelihood nila kasi nga kahit may bahay sila kung wala namang pagkain mahirap din,” dagdag pa ng Social Action Director ng Surigao.
Maliban sa turismo ay pangingisda ang pangunahing pinagkukuhanan ng kita ng mga mamamayan ng lalawigan at ng mga karatig nitong isla.
“Hindi lang sa tourism area kasi yung Surigao, surrounded ng mga islands, karamihan nasa pangingisda ang kanilang mga livelihood marami dito hindi makapangisda wala na silang pump boats o motor boats na ginagamit,” paliwanag ng Pari
Umaasa ang Diyosesis ng Surigao na sa pamamagitan ng mga tulong na patuloy na dumadating sa kanila ay matutugunan ng Simbahan ang panaghoy na ito ng mga mamamayan.
“Ipagpapatuloy namin ito hangga’t may makukuhanan pa ng funds kasi tinitiyak naman namin na kung masisimulan na namin ito may mga tao na mag volunteer din na magbibigay,” ani Fr. Ilogon.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot sa mahigit 7 libong pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette sa Surigao City habang nasa mahigit 35 libong pamilya naman ang napinsala sa Siargao Island.