253 total views
Nanindigan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na wala itong kinatatakutan sa kabila ng iba’t-ibang hamon na kinakaharap ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na sang-ayon ito sa sinabi ni Hesus na nasusulat sa Ebanghelyo ni San Marcos kabanata 5 talata 36 na “Huwag kang mabagabag, manalig ka!”
“I will always say and tell that I am a BISHOP. I am a Bishop of Balanga. I am the Bishop for the pastoral care of our migrants,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay bunsod na rin sa mga banta at hamon sa mga lingkod ng Simbahan dahil sa paninindigang ipaglaban ang karapatan at kapakanan ng mga kawan na pinamamahalaan at itinalaga sa kanilang pagmimisyon.
Maituturing din itong pagsunod sa buhay ni Hesus na nakaranas ng pagpahirap, pagpapakasakit hanggang sa ibinuwis ang sariling buhay para sa kaligtasan ng sangkatuhan.
Magugunitang hayagan ang pagpuna ng mga lider ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa mga maling polisiya ng kasalukuyang administrasyon na nakalalabag sa karapatang pantao at nagpapakita ng kawalang paggalang sa dignidad ng buhay.
Tinukoy ng Obispo ang kampanya kontra droga ng pamahalaan na kumitil ng libu-libong katao na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na gawain na hindi dumaan sa wastong prosesong alinsunod sa batas.
Dahil dito, mismong ang pinakamataas na opisyal ng bansa ang nagpahayag sa publiko sa pamamagitan ng mga talumpati na holdapin at patayin ang mga Obispo.
Nababahala ang mamamayan at mga lingkod ng Simbahan sa nasabing pahayag sapagkat lubhang mapanganib ito para sa seguridad hindi lamang sa mga Pari at Obispo kundi maging sa iba pang kritiko ng administrasyon.
Kaugnay dito iginiit ni Bishop Santos na bilang lingkod ng Simbahan nakahanda itong magsakripisyo para sa mga pastol na itinalaga sa kaniya.
“The good shepherd gives his life for the sheep (John 10:11).”