138 total views
Nangangamba ang dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga patayan nagaganap sa bansa at ang hindi pa natatapos na digmaan sa Marawi City.
Ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, nakakatakot ang maaring maging epekto ng mga patayan sa mga kabataan na tila madali na lamang ang pumaslang ng tao.
Tinukoy ng Arsobispo na palaging laman ng mga balita ang mga napatay dahil sa droga at sa digmaan hindi lamang sa Marawi kundi sa iba pang lugar sa bansa.
“Ang talagang natatakot ako ay ang impresyon nito sa mga kabataan na iyong buhay pala ay napakamura, napakadaling sirain, tapusin. At imposible pong itong nagaganap na ito 24/7 po yan magmula umaga hanggang gabi. Tsaka Monday to Sunday, patay dito patay doon, mayroon pang Marawi etc. Patayan din. Baka kako nagkakaroon ng kultura, lalu na sa kabataan nainvide nila ang culture na life is cheap at naku malaking disbentahe ‘yun, liability kapagka ang kabataan nakuha nila ang kaisipan na ‘yun na ang buhay pala ay walang kuwenta,” ayon kay Archbishop Cruz, Archbishop Emeritus ng Lingayen-Dagupan at dating pangulo ng CBCP.
Sa tala may 13 libo na ang naiuulat na napapatay simula nang ilunsad ang kampanya kontra droga, habang 800 katao na rin ang nasasawi sa patuloy na digmaan sa Marawi habang nagkaroon din ng mass shooting sa Las Vegas, USA kung saan mahigit sa 50 ang napatay ng nag-iisang salarin.
Naniniwala naman ang Arsobispo na ang masama ay dapat labanan subalit ang paglaban ay dapat na nasa katwiran at hindi kailangan ng pang-aabuso.
“So ang masama, kailangan talaga labanan, pero sana ang paglaban dapat nasa katwiran. Bagama’t alam natin na maraming drug addict dito, maraming droga pero sana, sige labanan, supilin, at yung mga may makasalanan hulihin, litisin subalit huwag namang patayin,” dagdag pa ng arsobispo.
Sa kasalukuyan ay ipinapatupad ng mga Simbahan ng 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa ang ‘de profundis bell’ tuwing alas-8 ng gabi para ipanalangin ang lahat ng mga nasawi lalo na ang mga namatay dahil sa karahasan.