1,884 total views
Suportado ng Commission on Human Rights sa House Bill 8440 na naglalayung isulong ang lifetime validity ng mga Identification Cards o ID na ipinagkakaloob sa mga persons with permanent disability.
Ayon sa CHR, buo ang suporta ng kumisyon sa panukala na amyendahan ang Republic Act 7277 o mas kilala bilang Magna Carta for Disabled Persons kabilang na ang probisyon sa paggagawad ng panghabambuhay na bisa sa mga ID ng mga PWDs.
Paliwanag ng CHR, ang panukala ay isang magandang hakbang upang higit na mapagaan ang buhay ng mga may kapanansanan na kinakailangan pang i-renew ang kanilang ID kada limang taon.
“The Commission on Human Rights strongly supports House Bill 8440 that aims to amend Republic Act 7277, otherwise known as the Magna Carta for Disabled Persons, and its provisions to grant a lifetime validity to identification (ID) cards issued to persons with permanent disability. We commend the efforts to implement an inclusive policy that ensures all PWDs of their security in terms of their identity and safety, among others,” ang bahagi ng pahayag ng CHR.
Paglilinaw ng kumisyon, naaangkop ang panukalang batas lalo na para sa mga may permanenteng kapansanan gaya ng may total physical, mental, intellectual, at sensory impairments upang hindi na kailanganing dumaan sa mahabang proseso ng pagkuha muli ng PWD ID.
Giit pa ng CHR, ang paggagawad ng lifetime ID card ay isang paraan bilang pagkilala at pagpapahalaga sa kapakanan ng mga may kapansanan sa pamayanan.
Ayon pa sa pahayag ng CHR, “Granting a lifetime ID card to persons with permanent disability is an official recognition and validation of the unique needs and situation of this sector.”
Sa bahagi naman ng simbahan, una nang hinimok ng Santo Papa ang bawat Katoliko na bigyang pagkalinga ang kabilang sa maliliit at mahihinang sektor ng lipunan lalo na ang mga may kapansanan, mga sanggol, at mga nakakatanda.