237 total views
Kapanalig, ang linggo ng Semana Santa, para sa marami sa atin, ay nakikita natin bilang panahon ng pahinga. Sa buong taon kayod tayo ng kayod. Ang Holy Week ay panahon ng katahimikan na kay dalang dumating sa ating napaka-busy na buhay. Ngayong Sabado de Gloria, magkaroon sana ng mas malalim na kahulugan ang katahimikan na ito.
Sa gitna ng ating katahimikan ngayon, minsan mahirap isipin na kongkreto pa nating mararamdaman ang ligaya at pagasa dala nito. Isipin mo naman kasi, kapanalig, matapos ang maikling bakasyon na ito, sasabak ulit sa trabaho na kadalasan ay hindi sapat ang sukling binibigay. Sasabak ulit tayo sa buhay, na para sa marami, ay puno ng lungkot at paghihirap. Dito nga sa ating bansa, nasa 18.1% ang poverty incidence na katumbas ng halos 20 milyong naghihirap na Filipino. Para sa marami sa kanila, saglit lamang na pahinga ang Holy Week. At sa pahinga na ito, kadalasan wala pang kita.
Ang ganitong pakiramdam ng hopelessness ay maaaring siya ring naramdamang hopelessness o kawalan ng pagasa ni Maria Magdalena ng siya ay nagtungo sa libingan ni Hesus. Kahit pa nga anghel ang nagsabi sa kanya na wala na sa libingan si Hesus, hindi siya naniwala. Kahit pa si Hesus mismo ang kanyang nasa harapan na, nahirapan pa siyang makilala. Ngunit nang tinawag siya ni Hesus gamit ang kanyang pangalan, saka lamang tila nahimasmasan si Maria. Ito sana ang nais nating madama ngayon sa panahon ng ating paghihintay. Na sa gitna ng ating pananahimik at pag-aalala, marinig natin ang pagtawag ni Hesus sa ating pangalan. Ang Sabado de Gloria ay panahon ng paghihintay at pakikinig sa tawag ng Panginoon sa atin.
Ang pagtawag na ito, kapanalig, ay hindi lamang tawag ng konsolasyon, ito rin ay tawag ng pagbangon. Ipinunla ng pasyon ni Hesus ang binhi ng ligaya at pagasa. Sa pamamagitan nito, dama natin na hindi sa kamatayan nagtatapos ang lahat. Simula pa lamang ito ng bagong buhay. Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay tinatawag tayong bumangon muli at sumabak sa laban ng buhay, baon ang ligaya at pagasa kanyang alay sa atin.
Ang Lumen Fidei, bahagi ng ating panlipunang turo ng Simbahan ay may naiwang ginintuang aral sa atin. Pinapaalala nito na may daan palabas sa paghihirap at kadiliman na ating nararanasan, at sa daan na ito, kasama natin si Kristo: Ang pananampalataya ay hindi isang liwanag na nagwawaksi ng ating kadiliman, ngunit isang lampara na gumagabay sa ating mga hakbang sa gabi na sapat para sa ating paglalakbay. Sa mga nagdurusa, hindi nagbibigay ang Diyos ng mga argumento na nagpapaliwanag ng lahat; sa halip, ang kanyang tugon ay ang kanyang presensya, isang kasaysayan ng kabutihan na umaantig sa bawat kuwento ng pagdurusa at nagbubukas ng sinag ng liwanag. Nais ng Diyos na samahan tayo sa daan na ito sa pamamagitan ni Kristo. Nais niyang makita natin ang sinag ng liwanag mula sa mata ni Hesus (Faith is not a light which scatters all our darkness, but a lamp which guides our steps in the night and suffices for the journey. To those who suffer, God does not provide arguments which explain everything; rather, his response is that of an accompanying presence, a history of goodness which touches every story of suffering and opens up a ray of light. In Christ, God himself wishes to share this path with us and to offer us his gaze so that we might see the light within it).
Sumainyo ang Katotohanan.