6,380 total views
Ito ang misyong tutuparin ng BALAI Filipino o Building Adequate, Livable, Affordable and Inclusive Filipino Communities Program ng administrasyong Duterte.
Sa tulong ng mga key shelter agencies sa bansa partikular na ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), PAG-IBIG FUND, Home Guaranty Corporation, Housing and Land Use Regulatory Board, National Housing Authority at Social Housing Finance Corporation, layunin ng BALAI Filipino Program na makapagbigay ng mura ngunit komportableng tirahan para sa lahat ng nangangailangan nito.
Ayon kay Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito, chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, hindi lamang simpleng pabahay ang nasa likod ng 10-year national housing strategy na ito ng administrasyon kundi isang ligtas na komunidad para sa mamamayan.
“We want to build township, we want to build communities – yun ang dapat. Kapag may gagawin kang housing program hindi para lamang may masabing may magawa eh ang nangyayari walang tumutira. Ngayon ang gusto natin, yung talagang livable, disente at maayos na pabahay ang ipapamahgi natin,” pahayag ng senador.
Layunin din ng inilunsad na programa na makipagsanib-pwersa sa mga pribadong sektor na magiging katuwang ng pamahalaan sa pagtupad ng adhikaing bigyan ng masisilungan ang mahihirap na Filipino na kanilang pagmamay-ari.
Tiniyak ni HUDCC Chairperson Eduardo Del Rosario na dumaan sa masusing konsultasyon ang BALAI Filipino upang matiyak na dekalidad at pasado sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ang kanilang titirhang bahay.
Target ng BALAI Filipino na makapagpatayo ng 250-libong housing units kada taon, higit na mas malaking bilang kung ikukumpara sa taunang itinatatayong pabahay sa bansa na umaabot sa 172-libo.
Sinasabing kakayanin rin ng mga itatayong bahay ang 7.2 magnitude na lindol at bugso ng hangin na may lakas na 250 kilometro kada oras.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pagkalinga sa mahihirap sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng maayos na tirahan at huwag silang balewalain ng estado.