7,565 total views
“Dapat ninyong kilalanin na kami’y mga lingkod ni Kristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Ang katiwala’y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon.” (1 Cor 4:1-2)
Mga minamahal na mga Kristiyano sa Palawan,
Nagkakaisa po kaming inyong mga obispo dito sa Palawan na nananawagan tungkol sa isang mahalagang usapin dito sa ating lalawigan. Ang Palawan ay kilala na Last Ecological Frontier of the Philippines. Bagamat malaki na ang pagkasira ng ating lalawigan dala ng commercial logging ng matagal nang panahon, at hindi naman nakinabang dito ang mga Palaweno kundi ang iilan lamang na mayayaman, may natitira pa tayong higit na 50% na mga natural na kagubatan, kasama na ang mga old growth forests. May mga uri ng mga tanim, mga puno at mga hayop na dito lang matatagpuan sa atin. May 60,033 na ektarya pa tayong mga bakawan (mangroves). Sa totoo lang mga 30% ng mga bakawan sa buong Pilipinas ay matatagpuan sa Palawan, at halos lahat ng old-growth mangroves ay andito sa atin. Mayaman pa ang karagatan natin sa mga isda at mga bahura, bagamat malaki din ang pagkasira ng mga ito dala ng mga ilegal na pamamaraan ng pangingisda. Ang mga naiiwan pa sa atin na likas na yaman ng kalikasan ay pangalagaan natin. Pigilan natin ang tuluyang pagkasira nito.
Ang isang malaking banta sa pagkasira ng likas na yaman ng ating kalupaan at karagatan ay ang malawakang pagmimina. Pinuputol ng mga nagmimina ang mga puno ng mga gubat natin. Noong 2016 nag-issue ang DENR ng special tree-cutting permit (STCP) upang magputol ng 27,929 na puno ang isang kompanya ng pagmimina. Ang kompanyang ito ay kasalukuyang nag-aaplay ng bagong permit para magputol pa ng 8,000 na mga puno. Ngayong taong 2024, ginawaran ng DENR ang isa pang kompanya ng pagmimina ng STCP upang pumutol ng 52,200 na mga puno. Kailangan na magputol ng libu-libong mga puno upang mahukay nila ang nikel at iba pang mga mineral sa ilalim ng lupa. Dahil dito, hindi lang nakakalbo ang mga bundok natin, nawawala pa ang mga lupa nito na inaanod ng ulan at baha. Nalalason ang mga ilog at nagiging banta sa ating kalusugan. Dala nito, nadudumihan ang ating mga dalampasigan at karagatan na nagdadala ng pagkamatay ng mga bahura natin at kawalan ng kabuhayan ng ating maliliit na mangingsda katulad ng mga lobster fry cachers. Pati na ang mga paligid na lupa na hindi minimina ay nalulunod sa mga alikabok. Pag-dumating ang ulan, dumadating na ang baha sa maraming lugar natin na nakakasira sa mga bahay ng ating mga kababayan at ng kanilang mga pananim.
Sa kasalukuyang, mayroong mga 67 na exploration permit applications sa probinsya, sa mga kabundukan ng Coron, Taytay, Araceli, Dumaran, Roxas sa Norte ng Palawan. Mayroon ding aplikasyon sa malawak na kabundukang sakop ng Puerto Princesa, Aborlan, Narra, Sofronio Espanola, Brookes Point, Quezon, Rizal, Bataraza hanggang sa munisipyo ng isla ng Balabac. Aabot ng higit 200,000 ektarya ang kabuuan nito. Ang kasalukuyang mineral production sharing agreements (MPSAs) o aktibong minahan ay 11, katumbas ng 29,430 na ektarya. Ang nasabing lawak ng mga miminahing lugar ay halos kasing laki ng munisipyo ng Balabac. Kung may mining applications, ibig sabihin may balak silang minahin ang mga ito. Kawawa naman ang Palawan! Kung masira ang ating kapaligiran, kakalimutan na tayo ng mundo. Kilala tayo ngayon sa buong mundo dahil sa ating mga mayabong na gubat, sa ating mga malinis na mga dalampasigan, dahil sa ating mga buhay na mga bahura, at sa malawak na mga bakawan natin kung saan namumugad ang ating mga isda.
Ang pagmimina po ay hindi sustainable. Sinisira nila ang mga kagubatan at samu’t saring buhay, at binubungkal ang mga lupa na minimina nila. Ayon sa batas dapat nilang maipanumbalik ang mga lugar na nasira nila. Hindi po ito nangyayari dahil sa kulang ang monitoring ng DENR at may mga opisyales ng gobyerno na hindi ginagawa ang kanilang tungkulin. Nakakalungkot mabasa at marinig ang mga hinaring ng ating pamayanan ukol sa paggamit ng salapi upang makuha ang pagsang-ayon at pag-endorso ng mga projektong pagmimina. Sa higit na 3,000 ektarya na namina sa Narra, Espanola, Quezon, Brooke’s Point at Bataraza, wala pang 25% nito ang na-rehabilitate o kaya napanumbalik sa dating anyo na isang patunay na wala pang responsabling minahan sa Palawan.
Dahil sa kalagayang ito hindi pa nangyayari sa ating bansa, kasama na sa Palawan, ang responsible mining. Hindi naman nawawala ang mineral sa ilalim ng ating lupa kung hindi ito minahin. Nananawagan kami na magkaroon ng moratorium o pagpigil ng 25 taon sa pag-aaproba ng anumang mining applications at mining expansions. Antayin na muna natin na magkaroon ng angkop na pag-aaral at angkop na sukat ng mga no-go zones sa pagmimina tulad ng ating mga old-growth forests at watersheds. Antayin na muna natin na magkaroon tayo ng teknologia at industriya na mag-proposeso dito sa atin ng ating mga mineral upang magkaroon ng sustainable na trabaho sa atin at mas tataas ang halaga ng mga mineral na kinukuha sa atin. Bantayan na muna natin ang mga nagmimina sa kasalukuyan kung kaya nilang maipanumbalik ang mga bundok at gubat na sinira nila.
Nananawagan tayo sa mga mambabatas sa pamahalaang panlalawigan ngayon, ang ating mga board members, na ipasa ang moratorium sa pagmimina ngayon. Ang panawagan po natin sa kanila ay kanilang panindigan ang kabutihan at kagandahan ang Palawan kaysa anumang interes ng sinumang politiko at mining company. Dito po natin makikita kung talagang sila ay makakalikasan at ang Palawan ang nasa puso nila. Huwag po sana nilang idahilan na hindi ito magagawa ng lokal na pamahalaan dahil sa ito ay patakaran ng national government. Sa rehiyon ng MIMAROPA, ang probinsya ng Palawan lamang ang walang anumang resolusyon na pigilan ang pagmimina. May moratorium ordinance na sa Mindoro, Marinduque at Romblon. May mga munisipiyo pa nga na nag-issue ng kani-kanilang moratorium. Mabuti na ang lungsod ng Puerto Princesa ay may resolusyon na hindi pinapayagan ang malakihang pagmimina.
Narinig po natin sa Banal na Kasulatan na tayo ay mga katiwala ng Diyos ng mga hiwaga na kanyang ginawa. Mananagot tayo sa kanya. Kaya nananawagan kami sa lahat na mga Palaweno na lumagda sa ating petisyon na gawing ordinansa ang pagpigil ng pagmimina sa Palawan sa loob ng 25 taon. Yes to moratorium. Ito ang sigaw ng Inang Kalikasan; ito ang sigaw ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo na na-aapektuhan ng pagkasira na dala ng pagmimina; ito ang sigaw ng mga naniniwala na bilang katiwala may pananagutan tayong huwag sirain ang Palawan.
Ang inyong mga kapwa katiwala,
Bishop Socrates Mesiona Bishop Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato Apostoliko ng Puerto Princesa Obispo ng Bikaryato Apostoliko ng Taytay.
Bishop Edgardo Juanich
Bishop Emeritus ng Bikaryato Apostoliko ng Taytay
Unang Araw ng Disyembre taon 2024
Unang Linggo ng Adbiyento