55,498 total views
“Ang nakapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. Baling buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya gayundin ang gagawin sa kanya.” (Levitiko 24:19-20)
Mga mahal kong Kristiyano sa Bikaryato ng Taytay,
Sumusulat ako sa inyo tungkol sa isang mabigat na nangyayari sa ating panahon ngayon. Hindi natin masasabi na hindi natin ito alam kasi ito ay nakikita natin sa telebisyon at sa social media at naririnig sa radio sa loob na ng anim na buwan. Ang tinutukoy ko ay ang digmaan sa Gaza. Kahit na malayo sa atin ang Gaza hindi tayo maaaring magwalang kibo kasi alam natin ang nangyayari. Suriin natin ang mga kaganapan. Mabahala tayo. Magdasal at magsalita tayo . Ang pangyayaring hindi makatarungan sa isang bahagi ng mundo ay may epekto sa buong mundo at sa pagkatao natin.
Sa Banal na Kasulatan tinuturuan tayo ni Jesus na huwag maghiganti. Binago ni Jesus ang katuruan sa Lumang Tipan na siyang Bibliya ng mga Hudyo na huwag sundin ang batas ng mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ito ang katuruan ng paghihiganti. Pero ang batas ng mata sa mata at ngipin sa ngipin ay inilagay sa Lumang Tipan upang pigilan ang labis na paghihiganti. Kaya narinig natin sa pagbasa sa aklat ng Levitiko na kung ano ang ginawa sa iyo gayundin ang gagawin sa kalaban – kaya mata lang sa mata, ngipin lang sa ngipin, baling buto lang sa baling buto. Hindi ito sinusunod ng mga Israelis sa mga Palestinians ngayon.
Masama ang ginawa ng Hamas noong October 7, 2023 na bigla na lang pinatay ang mga 1,200 na mga Israelis sa labas ng Gaza at dumukot pa sila ng mga 250 na mga bihag. Oo, bigla itong nangyari pero may mahaba nang kasaysayan ng pang-aapi ng mga Israelis sa mga Palestinians sa Gaza. Sa loob ng 57 years, sinakop nila ang higit na 2.3 million Palestinians sa loob ng Gaza at kinontrol ang buhay nila, binabantayan ang pagpasok at paglabas ng mga Palestinians sa maliit na lugar ng Gaza. Basta na lang dumadampot ang mga Israelis ng mga Palestinians sa Gaza at sa West Bank at kinukulong na walang kasong pinapataw sa kanila. Administrative detention ang tawag nila dito. Higit na isang libo ang ganitong nakakulong. Ang nangyari noong October 7 ay hindi nagsimula sa araw na iyon. Matagal nang inaapi ng mga Israelis ang mga Palestinians sa kanilang lugar.
Masama ang pagpatay ng 1,200 na mga Hudyo at ang pagbihag ng 250 sa kanila na walang dahilan pero sa loob ng higit na anim na buwan binubomba ng Israeli army ang higit na dalawang milyong mga Palestinians, kasama dito ang mga residential areas, mga paaralan, mga ospital at mga mosquea at mga simbahan. Higit na 33,000 na ang namatay, marami dito ay mga bata, mga babae at matatanda. Sa ngayon higit na 14,000 na mga bata na ang pinatay. Isipin na lang natin: 1,200 Israelis ang pinatay, higit na 33,000 na Palestinians ang pinatay at patuloy na pinapatay! Anong klaseng paghihiganti ito?
Ngayon, kinokontrol ng mga Israelis ang pagpasok ng tulong sa mga Palestinians na wala nang matakbuhan. Hindi naman sila pinalalabas ng Gaza. Hindi pinapapasok ang mga pagkain, mga gamot at pati na ang malinis na tubig. Ginugutom nila ang mga Palestinians, at marami na ang namamatay sa gutom. Namamatay sila sa gutom hindi dahil sa walang pagkain. Ilang daan na mga trucks ang nasa labas ng Gaza na may dalang pagkain at gamot, pero hindi pinapapasok ang mga ito sa loob ng Gaza. Tinatarget pa ang mga tumutulong na galing sa ibang bansa. Pinapatay sila, tulad ng pagbomba ng 3 sasakyan at pagpatay ng 7 tumutulong na galing sa NGO na World Central Kitchen na nagpapakain sa mga nagugutom.
Habang nangyayari ang mga ito maaari ba tayo na mga Kristiyano ay magwalang kibo? Napapanood natin sa TV ang mga pangyayari. Sa harap ng mga mata natin nagaganap ito, ngayon! Mabahala tayo! Magsalita tayo! Manawagan tayo! Magdasal tayo! Tumulong tayo!
Kaya ako sumulat ng liham na ito upang pukawin ang ating makataong damdamin. Huwag tayong maging manhid. Hindi tama ito! Makiisa tayo sa kapwa tao na naghihirap at inaapi. Hindi man sila Pilipino, iba man ang lahi nila, marami sa kanila ay hindi man Kristiyano – mga muslim sila, pero may mga Kristiyano ding Palestinians at sila rin ay tinatarget – sila ay kapwa tao natin. Ang pagmamahal na inutos ng Panginoong Jesus ay pagmamahal sa lahat, lalo na sa mga inaapi at mahihina.
Manawagan tayo sa mga Israelis at mga Hamas na itigil na ang labanan. Papasukin na ang pagkain at mga gamot. Nananawagan din tayo sa mga Western Countries lalo na sa America at sa Germany na huwag nang bigyan ng tulong militar ang mga Israelis upang pumatay ng kapwa tao. Ang dugo na nasa kamay ng mga sundalong Israelis ay nasa kamay din ng mga politiko sa USA at sa Germany at iba pang mga bansa na tumutulong sa mga Israelis na pumatay sa pamamagitan ng kanilang mga armas.
Hangarin po nating lahat ang kapayapaan. Pigilan na na mamatay ang ating kapwa tao sa bala, sa bomba, sa gutom at sa sakit. This is a man-made disaster and it is entirely avoidable.
Ang kasama ninyong nababahala at nananawagan,
Obispo Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay, Palawan.
April 9, 2024